Maraming mga maliliit na magsasaka at mangagawang bukid ang nalululong sa iligal na sabongan malapit sa NVAT sa bypass, barangay Almaguer North, Bambang, Nueva Vizcaya. Malakas sigurado kay Mayor Benjamin ‘Jamie’
Cuaresma ang tambalan nina— Diego at Ambo — mga operator ng sabongan, dahil marahil ay mababaw ang bulsa ng dalawa na nakakapag-abot ng padulas o payola upang mabulagbulagan at magbingi-bingihan sa sugalang mula Miyerkules hanggang Linggo kung mag-operate.
Isa ring biningi na ng kalansing ng payola si Barangay Chairman Frederick Tipay na walang imik sa operasyon nina Diego at Ambo na halos isang taon na nang mag-umpisa. Kulang kaya sa kakayahan din ng pulisya ng bayan ng Bambang, sa pamumuno ni Police Captain Frederick Ferrer na ma-detect ang iligal na pasabong? Hindi naman
kailangan pa ng high-tech surveillance gadgets upang ma-detect ang operasyon nila Diego at Ambo dahil kitang-kita
ang lugar na may tatlong pabilog na ruweda (makeshift circle battle arena rings) na pinaglalabanan hanggat
mapagod ang mga manok na “Jolo”.
Hindi kagaya ng kinagisnang sabong na may taring matalim ang pasabong nila Diego at Ambo, kundi panalo ang manok na unang mapagod o tatakbo sa matagalang laban na minsa’y aabot pa ng ilang oras. Ibig sabihin, kung
nagtatagal ang bawat laban, nagtatagal din ang hiyawan. Hindi kapanipaniwalang walang nakakarinig na opisyal
ng barangay at iba pang otoridad para magtaka sa nangyayaring umpukan sa lugar.
Banggit ng mga nag-iiyakang mga asawa ng mga parokyano nila Diego at Ambo, napupunta lamang sa sabongan ang maliit na kita ng mga manggagawang bukid at magsasaka sa kapupusta sa iligal na pasabong. Hindi pag-aaliw lamang ang pakay ng mga tayador ng sabongan, na iba’y mga dayo pa mula Benguet at karatig na mga probinsya. Kundi pagbabakasakaling madoble… matriple o higit pa ang iuuwi sana sa kani-kanilang pamilya.
Ngunit sa kalaunang pagkalulong sa sugalan, nauuwi sa away pamilya, hanggang sa sukdulang paghihiwala-hiwalay at tuluyang pagkasira ng mga pamilya sa lugar. Mabahala naman sana ang pamunuan ng Bambang, pulisya at mismong barangay sa masahol na dulot ng operasyon nila Diego at Ambong. O nilulunod na rin ng payola ang kanilang munting delikadesa?
December 28, 2024
January 18, 2025
January 18, 2025
January 18, 2025
January 18, 2025
January 18, 2025