Ilocos Norte hinigpitan ang border control dahil sa pagtaas ng hawaan

Provincial

Kasunod ng pagtaas sa bilang ng mga hawaan na natunton matapos ang pagsasaya ng Kapaskuhan at Bagong Taon, muli ay hinigpitan ng Ilocos Norte ang mga border nito sa pag-uutos na kailangan ang isang negative test result mula sa lahat ng gusting pumasok sa probinsiya.

Hanggang Enero 5 ay nakapagtala ang Ilocod Norte ng kabuuang 58 aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19), karamihan sa matataong lugar gaya ng mga lungsod ng Laoag at Batac at mga kalapait bayan na San Nicolas, Sarrat, at Pasuquin.

Base sa isang tatlongpahinang Executive Order no. 172-22 ni Governor Matthew Joseph Manotoc na nilagdaan noong Enero 5 at inilabas sa gabi ring yun, sinasabi na lahat ng mga tao na papasok sa probinsiya, kahit anupaman ang estado ng bakuna ay kailangan sumailalim sa isang antigen test sa border o magpakita ng negatibong RT-PCR (Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction) test result sa loob ng huling 60 oras o isang negative antigen test na kinuha sa loob ng huling 24 oras mula sa isang Department of Health accredited testing facility.

Ang mga residente ng Ilocos Norte na lumabas ng probinsiya sa hindi lalagpas ng 72 oras o ang tinatawag na “balikan” ay hindi kasama sa testing subalit kailangang fully vaccinated na sila at hindi nakararanas ng anumang sintomas ng Covid-19 sa oras na pumasok sa border.

“Testing however is required for local residents who have been outside of the province for more than 72 hours,” ayon sa pinakahuling kautusan ng governor.

Nangako ang gobyerno ng Ilocos Norte na sasagutin nito ang mga gastos sa testing ng lahat ng papasok na residente, kabilang ang nakarehistrong mga turista na mananatili sa probinsiya ng dalawang araw o higit pa.

Samantala, ang mga malimit na dumadaan sa border gaya ng authorized persons outside residence (APORS) at cargo na nakarehistro at accredited ng Metro Ilocos Norte Council ng Ilocos Norte government ay kailangang magpakita ng negative Covid-19 test sa loob ng huling pitong araw.

Agad na epektibo, lahat ng indoor event sa probinsiya ay limitado na ngayon sa 50 katao, hindi kasama ang staff, at maximum na 30 porsiyentong venue capacity. Lahat ng outdoor event ay limitado rin sa 150 katao at maximum na 50 porsiyentong venue capacity.

“At all events, all attendees, including staff, must be fully vaccinated,” nakasaad sa kautusan habang ang mga organizer ng mga event na ito ay inutusan na kumuha ng approval mula sa gobernador o mga kinauukulang mayor para sa mahigpit na monitoring ng safety protocols.

Samantala, lahat ng “pribadong pagtitipon” ay hindi pinapahintulutan sa probinsiya. Bilang suporta sa EO ng gobernador ay inumpisahan nang ipatupad ng pamahalaang bayan ng Bangui ang “No Vaccination Card, No Entry” policy noong Huwebes habang ang Robinsons Mall sa bayan ng San Nicolas ay sinasala na ang lahat ng customer kung dala nila ang kanilang vaccination cards.

(LA-PNA Ilocos/PMCJr.-ABN)