IMPRASTRAKTURA SA KALUSUGAN, PALALAKASIN SA CORDILLERA

BAGUIO CITY

Inihayag ng Department of Health-Cordillera ang kanilang malawakang plano para sa pagpapabuti at
pagpapalawak ng kanilang imprastraktura sa kalusugan sa buong rehiyon. Batay sa salaysay mula sa mga nakapanayam, naglalayon ang proyektong ito na tugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan sa Cordillera sa gitna ng mga hamon na dala ng pandemya. Ayon kay Engineer Arian Joy D. ng Health Facilities
Enhancement Program, ang proyektong ito ay bahagi ng pambansang programa na naglalayong magbigay ng
pondo para sa konstruksyon, pag-aayos, at pagpapalakas ng mga pasilidad sa kalusugan sa mga pag-aari ng gobyerno.

Sa kanilang ulat para sa taong 2023, mayroon silang P240 milyon para sa konstruksyon, pag-aayos, at pagpapabuti ng mga LGU health facilities sa rehiyon ng Cordillera. Sa kasalukuyan, mayroon nang 121 na natapos na proyekto para sa pagpapaayos at pagpapabuti ng mga pasilidad, kasama na ang paghahatid ng 60 na mga medical equipment at dalawang ambulansya. Dagdag pa, mayroon na silang nakahandang 61 pang proyekto para sa 2024, na
kasalukuyang nasa proseso ng procurement. Ito ay bahagi ng kanilang pakikipagtulungan sa DPWH upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyekto para sa pagpapalakas ng kanilang super health centers.

Sa ilalim ng proyektong ito, inaasahan ang pagtatayo ng limang super health centers, na magiging tulay sa pagitan ng
polyclinic at RHU. Ang mga pasilidad na ito ay magbibigay ng kumpletong serbisyong pangkalusugan tulad ng x-ray, birthing, laboratoryo at dental services. Layon din ng proyekto na mapalapit ang mga serbisyong ito sa mga komunidad, lalo na sa mga liblib at kailangang mga lugar sa Cordillera. Sa kabila ng mga tagumpay sa proyektong ito, hindi maikakaila na mayroon pa ring mga hamon, tulad ng pondo at logistikang kinakailangan para sa mga pasilidad sa mga remote areas.

Ayon kay Dr. Alicia Castro, medical officer ng National Immunization Program sa Cordillera, mahalaga ang
patuloy na suporta at kooperasyon mula sa iba’t ibang sektor upang masiguro ang tagumpay ng proyektong ito.
Ang pagsisikap ng Cordillera na mapalakas ang kanilang imprastraktura sa kalusugan ay patunay sa kanilang determinasyon na mabigyan ng maayos at de kalidad na serbisyo ang kanilang mga mamamayan, lalo na sa panahon ng pandemya.Sa pamamagitan ng mga proyektong tulad nito, inaasahang mas lalakas ang kakayahan ng rehiyon na
harapin at malampasan ang mga hamon sa larangan ng kalusugan.

Jasmin Alaia Legpit/UC-Intern

Amianan Balita Ngayon