INAMIN AT INAKO NA NIYA, IDULOG NA ANG USAPIN SA TAMA AT ANGKOP NA LUGAR

Ang kamakailang pagdinig ng quad committee ng Mababang Kapulungan ng mga Kinatawan (Kongreso) na siyang ika-labing isang pagdinig na sa unang bahagi nito ay muling nakita ang pagiging kalmado at tila pagkadominante ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte. Subalit sa kalauna’y nag-iba ang timplada ni FPRRD lalo na nang magsalita sina dating Senador Leila de Lima at Antonio Trillanes IV, pinabulaanan ni de Lima na siya ang tinagurian noon ni Duterte na “reyna ng mga druglord” at si Trillanes na nagprisinta ng mga dokumentong nagpapatunay diumano sa limang bilyong pisong deposito sa bangko ng dating pangulo at VP Sara na sa akusasyon ni Trillanes ay nagmula sa pagiging kasangkot ng mag-ama sa kalakalan ng droga kasama si Michael Yang na malapit na kaibigan ng mga Duterte at dating economic adviser ni FPRRD.

Sa loob ng mahigit siyam na oras na paglilitis ay pinipigilan ni Digong na magmura at magsabi ng mga kalaswaan kung saan ang kilala siya na mahilig dito. Gayunpaman, sa isang pambihirang pagpapakita ng init ng ulo ay hinawakan ni Duterte ang kaniyang mikropono at tangkang ihagis ito kay Trillanes IV, na dalawang upuan sa kaniyang kaliwa, kung saan nakaupo sa pagitan nila si de Lima. Nag-ugat ang pagwawala ni Duterte nang hilingin sa kaniya kung papaya siyang pumirma sa isang bank waiver na ipinangako niya, na buksan ang lahat ng bank accounts nila ng kaniyang anak na si VP Sara, na hiningi ring kapalit ni Digong na sasampalin niya si Trillanes sa harap ng publiko sa mismong pagkakatong iyon.

Hinamon siya ni Trillanes na gawin na niya na nagpagalit kay Digong at akmang babatuhin ng mikropono ito. Idinagdag pa ni FPRRD na handa itong isagawa ang isang affidavit na tawagan ang bangko alinsunod sa waiver niya at kung may kahit katiting na katotohanan, ay hihilingin niya sa anak niya na magbitiw gayundin lahat ng miyembro ng kaniyang pamilya. Harapang magbibigti siya ngunit dapat magbigit rin si Trillanes.

Sa edad na 79 (na may pagkakataong sinabi niyang 82 na siya) ay mababanaag mo pa rin ang talas at katapangan sa pananalita ni dating pangulong Duterte kung saan nakilala siya ng buong bansa at marahil ng bawat isang Pilipino, bata man o matanda. Subalit ang kaniyang istilo ay pinakahuhulugan ng ilan na isang pagiging “bravado” (isang matapang na paraan o isang pagpapakita ng katapangan at kumpiyansa na nilayon upang mapabilib o manakot ng ibang tao; nagkukunwaring lakas ng loob o mapaghamong kumpiyansa kapag ang isa ay talagang natatakot) at “braggadocio” (nagpapahiwatig ng isang nagmamalaki o mayabang).

ang “bravado” ay nangangahulugang isang gawa ng katapangan, upang ipakita ang pagtitiwala, ang “braggadocio” ay nangangahulugang walang laman na pagmamayabang sa isang mapagmataas na paraan. Habang ipinapakita ng bravado ang isang positibong aksiyon ng isang tao, ang braggadocio ay nagpapakita ng isang negatibong aksiyon ng isang tao. Hindi maikakaila na kung sa usaping pelikula ay isang “blockbuster” ang pagdalo ni dating Pangulong Duterte sa quadcomm hearing ng Kamara noong Nobyembre 13 ay umabot sa halos dalawang milyon ang nanood sa livestream sa You Tube na umabot ang livestream ng halos 13 oras.

Sa nasabing pagdinig ay kinumpirma ni Duterte ang maraming alegasyon na ibinato laban sa kaniya, maliban sa ilang detalye. Nanindigan siya na tanging siya lamang ang dapat na kasuhan at hatulan sa lahat ng kaniyang mga aksiyon – tama man o mali – na ipinatupad ng mga alagad ng batas sa kaniyang anim na taong digmaan laban sa illegal na droga. Sa unang pagdinig ng Senado at ngayon sa mababang kapulungan ay kapuwa inamin at inako ni FPRRD na tanging siya lamang ang mananagot sa mga ginawa ng mga alagad ng batas na sumunod lamang sa kaniyang kautusan.

Maaari nating hangaan ang pagiging “bravado” ng dating pangulo, subalit kailangan ding matanto ng isang tao ang kaniyang mga limitasyon. Upang mapatunayan ang dapat patunayan, mapanagot ang dapat managot, maituwid ang dapat ituwid ay dapat nang itigil ang mga pagdinig sa Kongreso at kung sadyang may mga ebidensiya ay sa korte na lang ipila ito – sa angkop na lugar ng litisan upang hindi na higit na magkabaha-bahagi ang mga Pilipino at mahati ang bansa at gayundin mapatunayang hindi isang bravado o braggadocio ang dating Pangulo na hinangaan ng marami.

ON THE GROUND

PROSISYON NG MGA BAGYO

Amianan Balita Ngayon