INIT AT ALAB

PINAPALAD pa rin tayo sa gitna ng mga tragedyang nangyayari sa buong mundo, lalo na sa mga lugar na malapit sa atin. Nitong linggo, noong Webes, nangyari ang isang malakas na lindol sa Taiwan na nada itaas lang ng Batanes at
Cagayan. Nagkaroon pa ng tsunami alert sa mga probinsyang nasa Norte dahil nga sa banta ng lindol na nasukat sa pwersang 7.4! Maging ang Japan ay naisama sa banta ng malakas na lindol. Nagkaroon din ng tsunami alert. Ngunit dahil sanay na ang mga Hapon sa mga pagalburoto ng kalikasan, tila dumaan ang pwersa ng walang anumang pinsala. Ang Taiwan ang halos ay pinadapa sa lakas ng lindol. Ating nakita ang mga gusaling niyayanig ng lindol.

Umiindak sa Kaliwa’t Kanan. Ilang mga building ang naiwang halos nakaluhod. Ang mga sumunod na eksena ay
nag-bigay gunita sa tragedya natin noong Hulyo 16, 1990 nang hambalusin ang Baguio ng 7.1 na lindol. Natatandaan mo pa ba ang malagim na karanasan natin noong tinamaan tayo ng lindol? Mabuti na lamang at hindi gaano ang bilang ng mga nasawi na mga taga-Baguio. Higit na marami ang naapektohan sa Nueva Ecija kung saan nandoon ang epicenter ng lindol. Kaya naman, ating ipagpasalamat ng bukal sa kalooban ang hindi hindi pagkakadamay natin dito sa Pinas sa mga trahedyang nangyayari sa mga panahong tulad ngayon. Lubos tayong pinagpapala ng Amang
Diyos, dala na rin ng taimtim na debosyon sa Kanya, bilang natatanging bansang kristyano sa buong Asya.

Nitong nagdaang Semana Santa, namalas ng buong mundo ang alab at init ng pagiging devoting Kristyano. Ang mga tradisyon ng Mahal na Araw ay ating isinagawa ng buong pagtitika at pagpapatawad. Naging kapansin-pansin rin ang pakikiisa ng mga bisitang kahit ilang araw ay dumagsa sa lungsod. Maaaring pangunahing dahilan ang hangarin na maibsan ang panlulumo sa init ng kapatagan, lalo na sa Maynila kung saan bumubulusok ang tag-init ng
lampas-bubong. Gsyun pa man, tunay na kakaiba ang gayuma ng Baguio sa panahon ng tag-init. Bakit nga naman magtitiis na halos matunaw ng init ng panahon? Bakit nga naman ipagkikibit ng balikat ang hagupit ng El Niño?

Nandyan ang Baguio – ang tanging lugar sa buong Pinas na pantapat sa tag-init. Narito ang Baguio na paboritong
destinasyon ng mga Pilipinong nasa lamang ay makahulagpos sa hampas ng init. Nariyan ang Baguio na isang kakaibang lugar na binubuhay ng sariwang hangin at dalisay na kalinga ng Inang Kalikasan. Sa Baguio, Iisa ang tibok ng puso, dala ng kapatiran hindi papaagnas panahon man ay lumipas. Sa Baguio, ang tuwa o dalamhati ay bunga ng alab at rubdob ng pagmamahal. Sa muli at muling pagkikita, karaniwan ng pinagsasaluhan ang katas na sa pagmamahal lamang bubukal. Kung nagkaroon man ng pighati, niwawaksi ng tuluyan. Layang iniiwan ang mga tanda ng pamamaalam, ng panlalamig, ng ano pa mang dinaramdam.

Hinahayaan lang na isantabi, tuwiran lang na isinawalang kibo, at hayagang ginagawang maging muling bukambibig ang mga katagang nilunod ng mga daluyong na kinimkim ng kay tagal. Sa Baguio, karaniwan ang pagbabalik sa mga nakagawian. Balik sa nakalakhang dating ugali. Ang pagiging mabuting tao. Mabuti sa lahat ng bagay ng pakikipagkapwa-tao. Hindi lamang pamilya ang trato sa kanila kundi pamilya ang maging turing sa atin. Sa panahon ng tag-init, bigyang daan na muling sariwain ang tradisyong Pilipino likas naman sa atin. Muling ipagdiwang ang galak ng muling pagkikita sa mga panahon ng pagsasama-sama. Kaya naman, maluwag nating tanggapin ang agos ng buhay – kalmado ngayon, ngunit walang babala kapag naging daluyong.

Maging uliran sa bawat araw na ating ihahasik ng buong pagmamahal, katapatan, at kabutihan. Kung ang agos ng buhay ay mistulang bula na inililipad sa papawirin, ganoon din ang muling pagkikita – biglaan sa Ilan, inaasahan sa may alam. Hindi presyo, bagkus ay halaga ang pagsukat sa anumang buhay. Ang pagkikita at pagdadaup-palad.
Kailanman ay hindi sya hangganan lamang. Mayroon pang antas na tatawirin at lalampasan. Ang buhay ay muling uusbong at lalago sa bugso ng galak at sigla ng muling pagbangon. Iyan ang halaga ng muling pagkabuhay – ang pagbangon, pag-ahon, at pagtahak sa bagong landas.

Amianan Balita Ngayon