Inspeksyon sa construction sites, iniutos ng mayor

Bunsod ng insidente kamakailan kung saan mistulang nailibing nang buhay ang isang engineer at empleyado ng isang ipinapatayong condominium ay iniutos ni Mayor Mauricio Domogan ang inspeksyon sa iba’t ibang construction sites sa lungsod upang maiwasan na mangyari ang katulad na insidente.
Sinabi ni Domogan noong Hunyo 20 na ang nangyaring pagguho ng lupa sa Sandico Street ng Barangay Salud Mitra noong Hunyo 13 ay kombinasyon ng sakunang human made at nature made.
Ipinahiwatig ng mayor na ang insidente ay dulot ng walang humpay na pag-uulan ngunit hindi rin maisasantabi ang pananagutan ng kontraktor.
Aniya, sinuri ng City Buildings and Architecture Office (CBAO) ang iba’t ibang construction sites sa lungsod na kinabibilangan ng naturang ipinapatayong condo sa Salud Mitra na halos malalim din ang excavation.
Sinabihan ng CBAO ang mga contractor na kailangang gawin ang mga kinakailangang preventive measures upang maiwasan ang sakuna sa mga ginagawang konstruksyon.
Nagpaalala ang mayor sa construction workers na laging maglagay ng proteksyon lalo na kapag malalim ang excavation. Maging ang mga nakatira malapit sa bundok ay pinapaalalahanan na suriing mabuti ang kapaligiran lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.
Dagdag pa niya na gumawa ng kanal na pweding daanan ng tubig upang hindi mamahay sa lupa at para hindi madaling gumuho. JEZZA MAEH NAGAYOS, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon