Nutrition program management training, inilunsad ng NNC

Nilahukan ng tinatayang 30 delegado mula sa iba’t ibang probinsya ng Cordillera Administrative Region ang limang araw na Nutrition Program Management Training 2018 ng National Nutrition Council-CAR na ginanap noong Hunyo 18 hanggang 22 sa Marco Polo Hall, El Cielito Hotel.
Ang mga kalahok ay kinatawan mula sa Abra, Apayao, Baguio, Benguet, Ifugao at Kalinga, ngunit sa kasamaang palad ay hindi nakasali ang Mountain Province sa nasabing pagtitipon.
Ayon kay Dianne Joacquin, Nutrition Officer ll ng NNC-CAR, ang naturang pagsasanay ay isinasagawa ng nasabing ahensya ng gobyerno taon-taon na naglalayong turuan ang mga lokal na nutrition and health workers kung paano gawin at ipatupad ang nutrition program.
Dagdag pa niya na nakakatulong ang training para maging epektibo ang ginagampanang mga papel at responsibilidad ng mga kalahok, at isa pang benepisyo ng nasabing training ay nakakatulong ito para mas mapahusay ang mga programa at serbisyo na inihahandog nila sa kani-kanilang mga nasasakupang lugar.
Nabanggit din niya na makikipag-ugnayan ang NNC-CAR sa Department of Agriculture sa nalalapit na pagdiriwang ng nutrition month na may temang “Ugaliing magtanim, sapat na nutrisyon aanihin” na gaganapin sa buwan ng Hulyo. Aniya, wala pang malinaw at partikular na mga aktibidad kaugnay nito.
Samantala, nagsagawa naman ang NNC-CAR ng orientation noong Hunyo 19 sa Eco Lodge, Baguio City, para sa mga kinatawan ng iba’t ibang regional agencies ukol sa nalalapit na Weight Management Program. Ilan sa mga naging panauhin ay sina Dr. Jan Paolo Dipasupil at Carol Donaal ng Nutritionist-Dieticians’ Association of the Philippines – Baguio-Benguet Chapter. Ito ay isinagawa bilang pagtugon sa pagtaas ng bilang ng mga overweight at obese sa rehiyon ng Cordillera partikular sa mga empleyado ng gobyerno.
Ayon kay Joacquin, ang programang ito ay kaugnay sa ginawang pagsasaliksik ng nasabing ahensya kasama ang Benguet State University na may kinalaman sa timbang ng mga trabahador ng gobyerno.
Magsasagawa rin ng parehong training ang NNC-CAR sa susunod na linggo para naman sa mga kabataan. ROMELO DUPO III, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon