Maliliit na magsasaka sa bansa, dapat palakasin – Sen. Villar

“Our farmers are really the poorest in our country.”
Ito ang naging pahayag ni Senator Cynthia Villar, na chairperson ng senate committee on agriculture, sa kanyang talumpati sa isinagawang magkasabay na Scaling Up of the Second Cordillera Highland Agricultural Resource Management Project (Charmp2 SU) at Department of Agriculture-Integrated Natural Resource and Environmental Management Project (DA-Inremp) midyear review and planning workshop noong Huwebes ng hapon (Hunyo 21) sa Venus Parkview Hotel, dito sa lungsod.
Sinabi ni Senator Villar na napakahalaga ng small farms dahil sila ang nagbibigay ng pagkain para sa mamamayan.
Aniya, 70 porsyento ng mga agricultural output ay nagmumula sa small farms at hindi sa corporate farms kaya kailangang bigyan ng nararapat na pagpapahalaga ang small farms upang makamit ang food security sa bansa.
Ayon sa kanya, isang kabalintunaan na ang mga magsasaka sa bansa na pinagmumulan ng makakain ay halos hindi matustusan ang pagkain para sa sarili nilang pamilya.
Bilang tugon sa suliraning ito ay sinabi ng senador na ipinasa nila ang Farm Tourism Law kung saan ineengganyo ang mga may-ari ng lupain na magtayo ng mga tourist farm at maging farm schools sa iba’t ibang panig ng bansa.
Dagdag pa niya na nagagalak siya dahil maraming tao ang tumugon at sumuporta sa programang ito na nagsimula pa noong taong 2015.
Aniya, kaya ipinatayo ang farm school ay para tulungan ang mga magsasaka at mangingisda upang kumita at maging competitive sa larangan ng agrikultura.
“Kaya po natin gustong magkaroon ng farm school in every town sa Philippines ay para mas magaan para sa ating mga farmers and fishermen to study kasi kung malayo iyong school ay mahihirapan sila,” pahayag ni Villar.
Ang naturang tourist farms ay suportado ng Department of Tourism at DA; ang farm schools ay sinusuportahan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kasama ng DA.
Sa ngayon ay mayroon nang mahigit 20 na naipatayong farm schools sa rehiyon ng Cordillera na accredited ng TESDA. Ang naturang farm schools ay bukas para sa lahat ng mga gustong makapag-aral dahil ito ay libre.
Samantala, pinasalamatan naman ni Villar ang DA at ang rural field office sa Cordillera para sa pagpapalawak at pagpapataas sa antas ng naturang programa sapagkat, ayon sa kanya, ito ay napakagandang instrumento o hakbang para tugunan ang iba’t ibang isyu at hamon sa komunidad at iba pang mga aspeto. ROMELO DUPO III, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon