1 patay sa nasunog na kwarto sa San Luis Village

Nasunog na bangkay ng isang lalaki ang natagpuan ng mga pulis matapos naiulat ang isang insidente ng hinihinalang arson sa Purok 5, Magnolia, San Luis Village, Baguio City, dakong 9:40 ng umaga noong Hunyo 21, 2018.
Kinilala ng mga tauhan ng Police Station 1 ang biktima na si Ruben Tamaken Saguid, 57 anyos, at dating bed ridden sa kanyang nasunog na kwarto.
Pumunta rin ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) na pinangunahan ni Police Superintendent Jaime Rodrigo Leal para mag-imbestiga.
Kwento ni Vicky Saguid, kapatid ng biktima, nang matapos mag-almusal ang biktima, humingi umano ito ng nasindihang kandila para painitin ang kanyang mga paa dahil nakakaramdam ito ng arthritis. Pagkatapos maibigay sa biktima ang kandila, lumabas siya at pumunta sa malapit na bahay ng isa pa nilang kapatid para magkape.
Pagkaraan ng ilang minuto, napansin ni Joel Bullido, pamangkin ng biktima na nasusunog ang kinaroroonan ng kanyang tiyuhin.
Naapula ang sunog sa tulong ng mga kapitbahay, kamag-anak at sa pagdating ng Baguio City Fire Department na pinangunahan ni Senior Fire Officer 4 Biato Poschor.
Tumanggi ang anak ng biktima na si Dexter Saguid na ipa-autopsy ang biktima. DEBORAH AQUINO, UC Intern

Amianan Balita Ngayon