TECHNICIAN HULI SA BAGUIO DRUG BUST

BAGUIO CITY

Isang technician na nag-sideline sa pagbebenta ng droga ang nahulihan ng 65 gramo ng shabu na may halagang P442,000, matapos ang buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation
Cordillera, Baguio City Police Office, at Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera, sa Barangay BurnhamLegarda, Baguio City,noong Abril 25.

Kinilala ang suspek na si Anthony Rapanut, ng Barangay Irisan, Baguio City at inilista bilang bagong drug personality ng PDEA. Napag-alaman na ibinenta ni Rapanut sa nagpanggap na poseur-buyer ang isang sachet na naglalaman ng 50 gramo ng shabu at nang masakote ay nahulihan pa siya ng pitong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang 15 gramo.

Bukod dito ay narekober din mga operatiba ang isang Caliber 45 na puno ng mga bala; isang Cal.22 na may mga bala at isang motorsiklo. Nasa kustodiya ng NBI-Cordillera ang suspek para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon