P38-M ILLEGAL DRUGS NAKUMPISKA SA WEEKLONG OPERATION SA CORDILLERA

CAMP DANGWA, Benguet

Sa matagumpay na serye ng anti-illegal drug operations na isinagawa ng Police Regional Office Cordillera, umabot sa kabuuang P38,831,265.00 halaga ng iligal na droga ang nasabat, at 11 drug personalities ang naaresto mula Marso 11 hanggang 17, 2024. Ayon kay Brig.Gen.David Peredo,Jr., regional director, naaresto ang 11 suspek matapos mahulihan ng kabuuang 30.12 gramo ng shabu na may Standard Drug Price na P204,816.00. Sa mga naarestong indibidwal, lima ang kinilala bilang highvalue drug personalities, habang anim ang kinilala bilang streetlevel.

Naitala ng Benguet Provincial Police Office ang pinakamataas na bilang ng mga naaresto, na apat indibidwal, sinundan ng Baguio City at Kalinga Province na may tig-tatlong arestado, at isang arestado sa Abra Province. Ang mga nasabat na iligal na droga at ang mga naarestong suspek ay itinurn-over na sa kani-kanilang arresting units para sa dokumentasyon at tamang disposisyon, habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165, na kilala rin bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, laban sa kanila.

Bukod dito, ang iba pang police drug operations ay nagresulta sa pagkakadiskubre ng 109,170 Fully Grown Marijuana Plants, 937 dahon at mga namumungang tuktok, at 139,000 stalks, na may kabuuang SDP na P38,626,440.00. Kasunod ng pagkakasamsam, lahat ng nasamsam na iligal na droga ay sinunog habang ang mga operatiba ay nagsasagawa ng follow-up operations upang mahanap ang iba pang mga plantasyon ng marijuana at mga cultivator. Muling pinagtitibay ng PRO Cordillera ang pangako nitong sugpuin ang kalakalan ng iligal na droga sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagbisita sa barangay at mga kampanya ng kamalayan sa publiko, na nagpapatibay sa walang patid na dedikasyon ng Philippine National Police sa isang komunidad na walang droga.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon