P34-B PANGASINAN LINK EXPRESSWAY, SINIMULAN NA

LINGAYEN, Pangasinan

Pormal nang sinimulan ang konstruksyon sa bagong Pangasinan Link Expressway (PLEX) sa Barangay Balligi, Laoac para sa pagpapaunlad ng daan at mas mabilis na transportasyon mula Norte hanggang Central Pangasinan.
Binigyang-diin ni Pangasinan Governor Ramon V. Guico ang kahalagahan ng PLEX sa pagkakamit ng mga layunin ng kanyang administrasyon para sa mahigit 3.1 milyong taga-Pangasinan. “Ito ay magbubukas ng maraming pinto para sa iba pang mga bayan at lungsod sa Pangasinan.

Magkakaroon ng mas maraming paglago sa negosyo at mga investment, mas maraming trabaho, at mas madaling paglalakbay.” Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng P34 bilyon na inaasahan na magiging malaking tulong sa ekonomiya at turismo ng lalawigan. Ito ay magkokonekta sa apat na bayan sa Pangasinan na magsisimula sa Binalonan, Manaoag, Calasiao hanggang sa Lingayen na Capital ng lalawigan. Idinagdag pa ni Guico na ang pagpapatayo ng PLEX ay mahalaga sa konstruksyon ng iba pang malalaking proyekto tulad ng Bolinao Airport at mga susunod na seaport projects.

Ginanap naman ang groundbreaking ceremony ng nasabing proyekto noong March 21 na pinangunahan nina Pangasinan Governor Guico III, Vice Governor Mark Ronald DG Lambino katuwang ang San Miguel Corporation (SMC) President at Chief Executive Officer na si Ramon Ang. Ang PLEX ay disenyo para buksan ang maraming pintuan para sa iba’t ibang bayan at lungsod, at magbibigay ng kaginhawahan sa paglalakbay sa loob at labas ng Pangasinan.

Rainbow Rivera/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon