International cruise ship, bibisita sa Ilocos Norte

LUNGSOD NG LAOAG – Inaasahang magdadala ng libo-libong turista ang nalalapit na pagbisita ng isang international cruise ship sa Ilocos Norte sa buwan ng Marso.
Nasa 2,000 Chinese nationals ang bababa at nakatakdang mamasyal sa mga magagandang tanawin sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon kay Aianree Raquel, hepe ng Provincial Tourism Officer ng Ilocos Norte, ito ay malaking bagay sa industriya ng turismo sa lalawigan.
“The tourism sector is very excited because this is something new and this is something big for us,” aniya.
Inaasahang darating ang malaking barko na Superstar Virgo sa Metro Manila papuntang Currimao Sea Port sa sa ika-23 ng Marso hanggang ika-19 ng Mayo.
Sa pamamalagi ng nasabing cruise ship sa Pilipinas, nasa 15 beses na dadaong ang barko sa pantalan ng Currimao na may sakay na 2,000 pasahero at ilang mga miyembro ng crew.
Para kay Raquel, magandang pagkakataon din ito para sa mga lokal na negosyante sa Ilocos Norte para itaguyod ang kanilang mga produkto.
“Our intention is to put local supplier in the front line,” saad ni Raquel.
Sabi pa ni Raquel, sisiguruhin ng pamahalaang probinsyal ng Ilocos Norte na maramdaman ng mga lokal na mangangalakal ang pagdagsa ng mga turista para maengganyo silang palawakin pa ang kanilang lokal na produkto.
“There is an organization of supplier of local crafts and goods, maybe we can also put up mobile souvenir shop,” dagdag ni Raquel.
Ang Superstar Virgo ay mayroong 935 na cabin at may kakayahang maglulan ng hanggang 2,800 na pasahero at 1,100 na crew members.
Kumpleto rin ito sa mga houses amenities gaya ng outdoor swimming pool, 100-meter water slide, bar, gym, salon and spa, duty free shops at karaoke rooms.
Mula sa Manila, ang Superstar Virgo ay dadaan sa Currimao Port kung saan ang mga pasahero nito ay bibisita sa mga historical and cultural landmarks sa Ilocos Norte.
Ilan sa mga ito ay ang Bangui Windmills, Burgos Lighthouse, Kapurpurawan rock formation at naggagandahang mga beach sa Pagudpud, Ilocos Norte. CJDG/PIA-Ilocos Norte / ABN

Amianan Balita Ngayon