Isang college student, ginulpi ng 5 lalaki

LUNGSOD NG BAGUIO – Huli sa CCTV ang pambubugbog ng limang kalalakihan sa isang college student sa O-shape overpass papunta sa Maharlika Livelihood Complex ika-1 ng Hulyo 2017, dakong alas-kwatro ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Jan Kelvin Baula Molina, 23 anyos, single, college student, tubong Bangued, Abra at kasalukuyang nakatira sa Aurora Hill, Baguio City.
Ang mga suspect ay sina Harry Boy Cabanayan Tablac, 21 anyos, single, construction worker, tubong Cagayan at nakatira sa Poblacion, Tuba Benguet; isang 17 anyos na lalaking estudyante, single, tubong Pangasinan at nakatira sa Irisan, Baguio City; Evertson Salamanes Carbonilla, 21, single, construction worker, tubong Santiago, Agusan Del Norte at kasalukuyang nakatira sa Purok 9 Balenben Irisan, Baguio City; Kyan Christian Camelon Duetes, 19 anyos, single, construction worker at nakatira sa Amsing, Liteng Pacdal, Baguio City; at si John Gatchalian, kasalukuyang nakatira sa Tiptop Pacdal, Baguio City.
Mula sa ulat ng pulis, ang biktima ay naglalakad sa O-shape overpass sa tapat ng Hotel Veniz at papunta sa Maharlika building nang biglang lumapit si Tablac at sinuntok ang biktima sa mukha nang walang dahilan. Pilit namang tinatakpan ng biktima ang mukha dahil sa sunod-sunod na suntok ni Tablac.
Ang apat na suspect ay dumaan sa likod ng biktima at pinagtulungan na sinuntok ito. Ang biktima ay nagkaroon ng pagkakataon na tumakbo nang may mga taong dumaan sa overpass at huminto ang mga suspect sa pagsuntok sa kanya.
Bumalik ang biktima sa tapat ng Hotel Veniz ngunit sinundan siya ng tatlo sa mga suspect at ipinagpatuloy ang pambubugbog sa kanya.
Sa pagroronda ng mga pulis ay nadatnan nila ang insidente at agad inaresto ang mga suspect at dinala sa Baguio City Jail. Aubrey Balindan, UC Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon