Isda natin ang inaangkat natin

Editorial

Nasa 60,000 metric ton ng imported na mga isda kabilang ang galunggong ang inaasahang babaha sa mga pampublikong pamilihan sa buwang ito matapos pirmahan ni Secretary William Dar ng Department of Agriculture certificates of necessity to import (CNI).

Isa itong hakbang na inaasahang tutulong upang mapababa ang mataas na presyo at punan ang kakulangan ng suplay dahil sa pagsasara ng panahon ng pangingisda (fishing season) simula ngayong Nobyembre sa mga pangunahing lugar sa pangingisda sa bansa na isang sanhi ng pagtaas ng inflation.

Sinabi ni Secretary Dar na ang desisyon na umangkat ng isda ay upang pagaanin ang “bigat ng inflation sa pagkain, sa gayon ay makinabang ang karamihan ng mahihirap na kababayan kung saan ang kanilang kakayahan sa pagbili ay nabawasan dahil sa pagbagal ng ekonomiya at pandemya sa COVID-19.

Maganda naman kung tutuusin ang layunin ng Department of Agriculture at ng gobyerno sa muling pag-angkat ng mga isda partikular ang galunggong. Ngunit ang tanong ay kailangan ba talaga na umangkat tayo ng isda (galunggong)? Simula pa noong 2014 ay ipinapatupad na ang pagsasara ng “fishing season” para sa galunggong na kalimitan ay inaabot ng tatlong buwan.

Ginagawa ito upang muling maibalik ang pagdami ng mga isda. Ayon sa Philippine Statistics Authority ay lubhang bumagsak ang produksiyon ng galunggong sa nakalipas na isang dekada. Mula sa halos 300,000 metric ton ng galunggong na pinagsa-samang produksiyon noong 2008 ay nasa 170,000 metric ton lamang ang produksiyon noong 2019. Base sa Consumption of Selected Agricultural Commodities in the Philippines, ang per capita consumption ng galunggong ay 5.23 kilo.

Ipinakita ng SUA (Supply Utilization Accounts) na noong 2019, ang produksiyon ng galunggong ay umabot lamang sa 189,003 metric tons. Noong 2019, upang itaas ang suplay ng galunggong sa buong bansa sa mas mataas sa 200,000 MT ay umangkat ang Pilipinas ng 53,072 MT ng galunggong.

Ang produksiyon ng galunggong ay bumagsak sa mas mababa sa 200,000 MT noong 2017 kung saan umabot sa 183,078 MT at muli noong 2018 na bumagsak ito sa 171,306 MT. Sa pagitan ng 1990 at 2019 ang pinakamataas na produksiyon ng galunggong ay naitala noong 2007 sa 320,215 MT – taon lamang matapos ang 2000 kung saan hindi umangkat ang bansa ng isda.

Kapansin-pansin na base sa SUA, na noong 2017 at 2018 ay umangkat ang bansa ng 2,752 MT at 5,455 MT ng galunggong. Nagbigay ito ng gross supply ng galunggong sa 185,829 MT noong 2017 at 176,761 MT noong 2018, mga taon lamang sa loob ng tatlong dekada na ang kabuuang supply ng galunggong ng bansa ay bumagsak na mas mababa sa 200,000 MT.

Magmumula sa China, Vietnam at Taiwan ang mga isdang aangkatin – mga bansang kaagaw natin sa West Philippine Sea. Hindi kaya nakainsulto naman na mayroon tayong malawak na katubigan at mahabang baybayin ngunit kailangan nating umangkat at maaaring mamiligro ang mga mamamayan? Isa pang kakatuwang isipin ay kukunin ang mga isda sa sarili nating karagatan at ibebenta sa atin. Hindi ba’t may karpatan tayong mangisda sa sarili nating karagatan?

Ang bansang China ang may pinakamalaking plota sa pangingisda kaya ano nga ba ang panama ng mga mangingisda natin sa kanila? Wala nang matitira sa atin idagdag pa ang pagtataboy sa mga Pilipinong mangingisda.

Maaaring ang importasyon ay isang panandaliang lunas o pantapal lamang ngunit hindi naman dapat lagi na lamang na sa tuwing sasapit ang mga panahon ng pagsasara ng fihing season ay lagi na lamang tayong umaangkat – malala pa ay sarili nating isda ang inaangkat natin. Sino ba kaya ang mad nakikinabang sa importasyon at pagsasara ng fishing season para sa galunggong?

Ang galunggong na dati’y binansagang “poor man’s fish” o isda ng mahirap ay hindi na kayang bilhin ng mahihirap dahil mas mahal na ang presyo kaysa manok at iba pang isda.

Marahil ang importasyon ay hindi dapat maging awtomatikong tugon natin sa mga problema sa agrikultura, kundi mas mainam na gumawa ng pang-matagalan na mga solusyon. Gayundin ay kailngan sigurong lubusin ng gobyerno ang produksioyn ng isda sa pagpapalakas sa depensa nito sa kayamanang-tubig gaya sa West Philippine Sea at mamuhunan sa mga kasangkapan para sa mga mangingisda at akwa-kultura o produksiyon sa katihan.

Sa panandalian, ang pakanang importasyon ay siguradong hihilain pababa ang lokal na mga presyo ng maliliit na isda at kalauna’y malilimutan ng mga tao ang isda ng mahihirap ay naging isang pangunahing sanhi ng implasyon sa taong ito.

Upang maiwasang maulit ang pagbulusok ng presyo ng mga isda ay kailangan na sigurong maghanap na ang gobyerno ng mga pamamaraan upang mapababa ang presyo ng paboritong galunggong at umpisahang suriin ang mga dahilan kung bakit mababa ang pangangailangan sa ibang uri ng isda.