Mga eksena sa C.O.C … Karambola na!

Daplis Walang Mintis

Inangko po…grabe na ang rambulan or karambola kahit sa filing pa lang ng COC. Maryusep…habang sinusulat ang espasyong ito, hindi pa tapos ang filing ng COC ngunit sandamakmak na ang mga eksena. May mga eksenang ayos lang, meron ding nakakainis at nakakagulat din ang iba. Yang mga eksenang ire ang ating kakaliskisan, mga pards: Gaya ng sinabi namin, hindi pa tapos ang pagpipila ng kandidatura ng mga tatakbo sa pulitika pero ga-bundok na ang mga nakagugulantang na mga pangyayari.

Mantakin mong mahigit na sa dalawampu ang nagsampa ng kandidatura sa pagkapangulo, halos sampu sa pagka-bise, marami-rami na rin sa pagkasenador, sa lokal at party list.

Pero hindi pa pinal ang mga ito dahil kakaliskisan pa ng maigi ng Comelec. Ang nakakapagtaka lang….sa mga nagsulsulputang mga pangalan….maiiinis ka na, eh! Isantabi muna natin ang mga malalaking pangalan sa pampanguluhan at bise kasi batid na ng madla na sila ay matagal ng lumantad.

Nariyan ang Lacson-Sotto tandem; Isko-Ong tandem; Pacquiao-Atienza tandem; Bongbong – na wala pang katandem; Bong Go na di pa tiyak ang katandem ; at sa kampo ni VP Leni pomuposisyon pa rin.. Tiyak naming sa pagkabasa ninyo sa Daplis na ito, tapos na ang filing ng COC at susundan na ng matinding kaliskisan.

Sa puntong ito, sesentro muna tayo sa mga nakakagulat na mga eksena: Bago pa nakapag-file ng COC sa pagkapangulo si dating senador Bongbong Marcos, may dalawang Marcos ang nagfile din. Isang lalaki at isang babae. Sus maryunes! Sakaling makakalusot ang mga ito, papano na ang boto ni Bongbong Marcos kung sakaling Marcos lang ang isusulat sa balota? Hindi ba nakakalito? Sa mga pagkakapareho ng pangalan, tiyak na magkakagulo, di ba?

Kawawa naman ang totoong pangalan na gusto talagang manilbihan. Ang masaklap pa, pards…baka naman sinasadya ang mga eksenang ito upang lituhin ang mga botantes at matatalo yong malakas na pangalan.

Di naman natin mapipigilan ang mga taong mag-file dahil gusto ring manilbihan daw o gusto lang manggulo? Bulong pa nga ng iba riyan…kahit alam nang wala siyang kapanapanalo, nagfile pa rin ng COC.

Bakit? Marami raw dahilan, ayon sa mga mahilig sa bulong. Una, gustong makilala, gustong magkapera (baka sakaling bayaran upang umurong), gustong makagawa ng pangalan para sa pamilya at kaibigan na siya ay nag-file ng pagkapangulo o bise kahit pa aalisin din ang pangalan sa kalaunan, at yong mga iba…nagbabakasakali baka makalusot.

Ang nakakainis, kung saan-saang kangkungan galing ang mga pangalan na biglang sulpot na lang. Ang kaso…walang magawa ang Comelec kundi tanggapin ang mga pangalang ito kasi nag-file naman.

Sabagay, uutay-utayin pa ang listahan bago ilantad sa madla ang mga karapat dapat nating pagpilihan. Sabi nga ng mga analysts: mas marami, may okey! Bago pa man ang filing ng COC may mga minamanok na raw ang mga botante.

Tama ka, pards! Hindi mo na ngayon malilito ang mga botante. Marami ang tinatawag na “diehard supporters”. Ang nakakatakot, baka marami pa rin ang mga “die na, nakaboto pa”. Sabihin na nating buo na ang mga eksena pagkatapos ng filing ng COC. Nakaliskisan na.

Ang susunod dine ay rigudon ng subsitusyon o pagpapalit ng tatakbuhan, may mga bababa at meron ding tataas. In short…sa filing ng COC ay parang simula pa lang upang makakuha ng puwesto at makaposisyon.

Kawawa ang Comelec dahil maantala ang kanilang pagpiprenta ng mga balota at iba pang dapat ihanda sa halalan. Kasi ayon sa mga ulat, ang mga partido-pulitikal ay puwedeng mag-ampon ng mga kandidato kahit hindi kapartido kaya may tinatawag na “guest candidate”. Sus, ginoong nakasaya….baka mahubaran ka nang di oras sa dami ng kontrobersiya sa pulitika. Pero relaks lang, pards…gaya ng paulit-ulit nating daplis: nasa kamay nating mga botante ang pinal na desisyon.

Alagaan mo ang “boto” mo. Mahalaga ang “boto” mo. Hindi ko na dadagdagan pa baka di na kami makapagpaalam. Adios mi amor, ciao, mabalos.