Jeep nahulog sa bangin; 2 malubha, 5 pa sugatan

SAN FERNANDO CITY, LA UNION – Dalawa ang malubhang nasugatan dahil hindi sila nakatalon nang mahulog ang isang pampasaherong jeepney sa isang bangin sa Barangay Baraoas, hapon ng Setyembre 14 habang sugatan naman ang lima pang pasahero nito.
Kinilala ni Chief Inspector Ronald Allan Rupisan, investigation officer ng San Fernando City Police, ang driver na si Arnulfo N. Galvez Jr., 34, may-asawa at residente ng Barangay Baraoas ng lungsod na ito.
Nakilala naman ang dalawang malubhang nasugatan na sina Wilma G. Ducusin, 35, at Ireen M. Bancuyo, 33, samantalang ang lima pang sugatan ay nakilalang sina Emily C. Nisperos, 31, Rialyn C. Graycochea, Rosie Graycochea, Francisco G. Ducusin at Rogelio Ebreo na lahat ay residente ng Barangay Pacpaco, San Fernando City. Itinakbo ang lahat ng pasahero sa Ilocos Training and Regional Medical Center para sa kaukulang gamutan.
Sa inisyal na imbestigasyon ay lumabas na bandang 11:50 ng gabi ayon kay Galvez ay ipinarada niya ang sasakyan upang magbaba ng mga sako ng feeds at ide-deliver sa kanilang bahay. Matapos ideliver ang nasabing feeds ay bumalik siya at pinaandar ang sasakyan, subalit may nalimutan siya sa bahay kaya bumalik uli ito.
Habang pabalik na si Galvez sa kanilang bahay at iniwang naka-neutral gear ang sasakyan ay biglang umusad ang jeep at nahulog sa tinatayang 20 talampakan ang lalim na bangin.
Dinala ang driver sa city health office para sa medical treatment habang wala pang pormal na pag-aayos ang nagawa sa pagitan ng mga nasugatang pasahero at ng driver subalit handa namang sagutin ng driver ang medical expenses ng mga pasahero. ABN

Amianan Balita Ngayon