Kabaong bus, bakit bumibiyahe pa?

Daplis Walang Mintis Opinion

Susmaryusep, katatapos lang tayong nagngilin noong Semana Santa (Holy Week), panibagong dagok muli ang umatake sa atin lalo na sa mga naging biktima. Ano ba ire? Kalunos-lunos ang nangyari kamakailan sa isang naaksidenteng bus sa Brgy. Capintalan, Carranglan, Nueva Ecija. Habang sinusulat ang espasyong ito, 31 na ang naitalang namatay at 46 ang sugatan. Ang pinakamasakit, may isang babaeng biktima ang natagpuang walang ulo. Tsk tsk, napakabigat na pagsubok ito sa katatagan ng sangkatauhan lalo na sa pamilya ng mga biktima. Isa-isahin nating balikan ang mga pangyayari.

*********

Noong Abril 18, pasado alas diyes ng umaga, galing ang Leomarick Trans Bus sa Isabela patungong Candon, Ilocos Sur na may sakay na mahigit sa 70 pasahero, ayon sa ulat ng PNP. Binabagtas nito ang ma-zigzag na parte ng Maharlika Highway nang maganap ang aksidente. Sa panayam ng PNP at media sa mga nakaligtas, samu’t-sari ang mga nakuhang istorya bago ang trahedya. May isang pasahero ang nagsabing magaling naman daw ang driver. Nang hindi kumagat ang preno bago ang kurbada, iniwas ng driver ang bus sa mga bahay sa gilid kaya sa giwang o pagitan ng dalawang concrete barrier bumulusok ang bus. Dahil dito, nagkalurayluray ang bus at maraming dead on the spot na pasahero. May mga naitakbo sa pagamutan pero sinawimpalad. Praise the Lord, mas marami ang nakaligtas (46). Sabi naman ng ibang pasahero: mabilis daw ang bus. Nang mag-overtake daw ito sa may kurbada, may nakasalubong kaya diretso ito sa bangin na may lalim na 80-100 feet. Sabi rin ng ibang survivor, pumutok daw ang kanang unahang gulong ng bus kaya nawalan ng control ang driver. Hanggang sa ngayon, tinatapos pa ng PNP ang kanilang imbestigasyon sa tunay na dahilan ng aksidente. Umakto na rin ang mga kinauukulang ahensiya (LTFRB) sa trahedya. Habang sinusulat ang Daplis, wala pang konkretong ulat kung ano ang nangyari sa driver at konduktor. Bagama’t matindi ang banat ng Malakanyang na may mananagot sa nangyari sabay ang pakikiramay sa mga biktima.

*********

Andun na tayo sa mabilis na aksiyon hinggil sa pananagutan ng kompanya ng bus para sa mga biktima lalo na sa mga namatay. Tanong: hanggang dito na lang ba muli ang aral at bakas ng matinding trahedyang ito? Di ba kamakailan lang, 15 estudyante ang namatay nang bumangga ang sinasakyang tourist bus sa Tanay, Rizal. Nawalan daw ng preno ang 30-year-old bus. Bayad-pinsala ang sentro pagkatapos ng insidente. Tanong muli: ang tunay at dapat bang aksiyon ng gobyerno sa mga kasong ganito ay naipatupad? Ano ang ginawa ng LTFRB? Natural, nariyan ang pagsuspinde sa operasyon ng bus ng ilang araw o linggo; iutos na mag-inspeksiyon sa mga bus companies; maghigpit sa pag-iisyu ng prangkisa at marami pang ka-etseterahang aksiyon kuno. Pero makalipas ang ilang buwan, balik uli sa normal. Balik sa normal na operasyon at muling maghihigpit at mag-iimbestiga kapag meron muling aksidente. Kaya ang sigaw ng bayan: patigilin na sa biyahe ang mga kabaong bus na mga yan, bago pa dumami ang mga mababaon six feet below the ground!

*********

Mga Daplis-suhestiyon: higpitan ang inspeksiyon. Alamin kung ilang taon na ang mga bus. Kahit di pa matanda, ayos pa ba ang makina at kabuuan para pumasada. Higpitan ang mga driver. Magtakda ng tamang edad ng mga bus na puwede pang bumiyahe. Ang di makapasa, igarahe na lamang at gawing kulungan ng manok. Magkaroon sana ng batas na may ngipin para malayo tayo sa aksidente. Hindi sapat ang pakikiramay kung wala namang aksiyon na sumasabay mula sa ating gobyerno. Kilos mga kabayan. Adios mi amor, ciao, mabalos!