Isa sa mga ahensiya na pinagkukunan ng malaking pondo ng gobyerno ay ang Philippine Charity Sweepstakes (PCSO), mga palaro sa ilalim ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), mga Casino at kamakailan ay ang Small Town Lottery (STL) na sinasabing papatay sa ilegal na “jueteng” na pumailanlang ng napakatagal na panahon.
Naging laganap na rin ang e-Bingo na sa kasalukuyan ay isinusulong sa La Trinidad, Benguet. Sa lungsod ng Baguio ay naging mainit din ang isyu tungkol sa e-Bingo at ito lang nakalipas na linggo ay binigyan na ng permit ng konseho ng lungsod ng Baguio ang tatlong operators ng e-Bingo. Ito ay sa kabila ng maigting na pagtutol at pagkondena ng ilang grupo sa anumang uri ng sugal sa lungsod. Ayon sa konseho ay nasunod naman daw ng mga nasabing e-Bingo operators ang mga alituntunin at mga requirement na hinihingi ng konseho kaya inaprubahan ito.
Sa paglaganap ng sugal sa lungsod ay unti-unti ng napapalitan ang imahe nito at tila nagiging sentro na ito ng sugal at dahil nga sa paboritong destinasyon ng mga turista, lokal man o banyaga ang lungsod, ay maganda nga namang pang-akit ang sugal. Hindi natin maitatatuwa na malaki ang ambag ng mga (legal?) na sugal sa kaban ng gobyerno at nagagamit din ito sa mga kawanggawa at iba pang gastusin ng gobyerno, subalit kung sa mga lugar na mahigpit ang pagtutol ng mga tao ay nananaig pa rin ang sugal dahil na rin sa sinasabing nakasunod sila sa “requirements” ay ano na kaya ang kahihinatnan ng lipunan? Sadyang malakas nga ang kabig ng sugal dahil sa madaliang pera nga naman kung nanalo at kung matalo man sari-saring istorya na ang mangyayari.
Maging ang mga konsehal na pumabor sa operasyon ng mga e-Bingo na ito ay nagsugal na rin dahil kahit pa sabihing ginawa nila ang kanilang trabaho, ayon sa itinatakda ng batas at alituntunin ng konseho, ay hindi nila maiiwasang maraming magagalit sa kanilang botante na tutol sa sugal. Sadyang malakas talaga ang kabig ng sugal – subalit sabi nga nila, kapag marunong kang magsugal ay wala kang katalo-talo, kaya? PMCJR.
June 25, 2017
June 25, 2017
April 19, 2025
April 12, 2025
April 5, 2025
March 29, 2025
March 22, 2025