KAKABAKABA NA NAMAN

WALANG KADUDADUDA, nasa peligro na naman ang ‘Pinas. Webes ng gahbi, ginulantang tayo ng pahayag na 12, 414 na mga bagong kaso ang naitala sa loob lamang ng isang araw. Kumpara sa
nagdaang linggo, mataas na bahagdan ang nangyayari. Hindi lamang nagpapataas ng kilay. Hindi
lamang nagpapakulong tiyan. Patunay ito na si covid ay patuloy na humahagupit sa atin. Kung nitong mga huling buwan, sisinghap-singhap na sya, ngayon naman ay tila nagkaroon ng panibagong lakas upang muling maging matinding banta sa sangkatauhan. Yung akala natin ay
umuusad na sya sa huling hantungan, eto ngayon at tila biglang nagkaroon ng bagong lakas upang
muli tayong ibalot sa pangamba.

Patunay ito na patindi ng patindi ang bagong banta ng pandemyang lampas dalawang taon na nanalasa sa buong mundo. Walang araw na nagdaan na hindi pinalampas ang ating mga eksperto
sa kalusugan sa paglalahad ng ating pambansang kundisyon. Para bagang, kinokundisyon tayo na ang huling hininga ni Covid ay wala pa sa linya. Isang kalaban sya na hindi masupil-supil, hindi matinag-tinag. Matatandaang mismo ang World Health Organization ang siyang naglahad na hindi na global health emergency si Covid sa isang pamamaraan na tila urung-sulong ang dating. Eh kasi naman, sasabihing wala ng pandemyang katatakutan sa buong mundo, pero patuloy pa rin ang babala.

Magingat ng doble-triple. Huwag ilagay sa alanganin ang buhay Oo nga naman, inalis na ang global health emergency na dulot ni covid, eh bakit may panawagan na pagibayuhin ang pag-iingat. Kung wala na, bakit dito sa Pinas, binabalaan naman tayo ng walang humpay na pagtaas ng mga bagong kaso. Mga kasong sumasambulat sa ating kamalayan. Walang biro, hindi dapat biroin ang mga
lomolobong hawaan. Sa loob lamang ng isang araw, biglang tumalon ng isang libong metro ang bilang ng mga nahawahan. Balikan at muli nating unawain natin ang mga pangyayari. Ang pinakahuling bersyon ni covid ay may ngalan na XBB, isang mutated viral form na mula pa noong isang buwan ay nagsimulang manalasa sa iba’t ibang lugar sa Asya kung saan kabilang ang ating mahal na ‘Pinas.

Tinamaan ang India, ang kalapit na mga bansa nito, at ngayon nga ay nakarating na sa atin. Ang sabi, si super-variant XBB ay mula sa Omicron na isang bagong panganib na hinaharap ng sangkatauhan. Kasama syempre ang Pinoy at Pinay na tila dedma at walang pagkabahala na binabalikat ang sangkatutak na problema ng buhay. Noon pa man, pinayuhan na tayo na maging mapagmasid, at sundin ang mga pangunahing panuntunan para na rin sa ating kalusugan. Ayon sa huling paglalahad, nasa higit 30% na ang inakyat ng positivity rate, isang kagulat-gulat na pagbulusok sa loob lamang ng ilang araw. Dati ay nasa mga 500 lamang ang average case count sa buong bansa.

Biglaan, naging 1,500 plus na. Ngayon nga, binulaga tayo ng 12,414 na mga bagong kaso sa buong bansa. Nitong nakalipas na ilang araw, pangunahing balita pang kalusugan ang sumasambulat sa atin. Bukas makalawa, aagawin na naman ng eskapong mambabatas ang ating kamalayan at baka mawawala na naman sa ating kamalayan si Covid. At dahil bukal sa kalooban ng Pinoy ang maging kampante hanggang sa dulo ng walang hanggan, gugulantangin na naman tayo ng pagbulusok ng mga kaso. Tulad nitong Webes, papuntang kalangitan na naman ang listahan ni covid.

Pero, ngayon nga ay kakabakaba na naman tayong esep-esep dahil litong-lito. Kasi nga, kakaiba si XBB, higit na mabilis na humawa, at malamang – dahil sa lomolobong mga bagong kaso – dapat pangilagan tulad ng ating pagkatakot sa mga naunang mga anak ni Covid, tulad ng Delta na syang pinakamatindi sa mga nanalasa sa atin. Kaya naman, dito sa Baguio, buong giting ang galing ang Punong Abala, si Mayor Benjie, upang mapanatili ang kaayusan at walang pangambang pagharap sa bagong banta. Kanyang ibinalik ang mandato ng face mask sa mga indoor setting, sa mga matataong lugar, sa mga pagdiriwang na syang pagmumulan ng hawaan.

Anya, mag-ingat na lamang tayo, lalo na ang mga matatanda at mga indibidwal na may maselang
karamdaman, na itinatayang syang mga unang tatamaan ng panibagong pagkakahawa. Ang bagong banta ay nandyan, naghahanap ng mapupuksa, mahahawahan. Kakabakaba ka ba? Dapat lang, dahil seryosong usapan ang kalusugan, ang kaligtasan. Hindi lamang ng sariling katawan kundi
kahit mga mahal sa buhay. Dapat lang, habang buhay, may buhay at hanap-buhay. Hugas-kamay, Wastong distansya sa kapwa. Muling pagsusuoot ng face mask sa mga matataong lugar, lalo na sa mga indoor setting — mga pampublikong sasakyan, mga pinapasyalang shopping center at
mall. Ang mga paraang ito ay mga pansariling kaligtasan. At kaligtasan ng mga mahal sa buhay.
AngatTayoBaguio, dyan tayo may progreso! Si covid, labanan ng husto! #

Amianan Balita Ngayon