KALAMIDAD KAKAMBAL NG TRAHEDYA

Di pa nakakalayo ang bagyong Karding, pumasok na naman ang isa pang sungit ng panahon sa dulong Luzon. Buti na lamang at pa-exit na habang sinusulat ang Daplis na ito. Ang masaklap, may kasabay ding
LPA sa malapit ng Gitnang Luzon ayon sa PAGASA bagama’t malabo raw na maging bagyo. Talagang nagiba na ang panahon. Noon, mga Hulyo ang banat ng mga Bagyo. Ngayon malapit na ang Disyembre….pero andito pa rin ang pangamba ng mga kalamidad dahil sa sungit ng panahon.

Talagang sumasabay yata ang pagbabago ng panahon sa ugali ng tao sa daigdig. Pasadahan natin ang mga trahedyang dulot ng kalamidad: Sa hagupit ng bagyo, nariyan lagi ang pagbaha, pagguho ng lupa, pagkasira ng mga bahay o mga ari-arian lalo na ng mga sakahan at palaisdahan. Ang isang higit
na napipinsala ng sungit ng panahon ay ang ating mga magsasaka at mangingisda. Apektado ang pagkain ng lahat kapag sila ang makalamidad. Noong panahon ni dating Pangulong Marcos Sr. inilatag ang mga Farm to Market road bilang suporta sa mga magsasaka at mapaunlad pa ang ani.

Ang masaklap sa ngayon, meron ngang Farm to Market road ngunit nasaan na ba ang mga sakahan? Naging subdibisyon na at sinakop na ng mga pabahay at pabrika. Kulang na tayo sa pagkukunan ng produktong pagkain. Ito sana ang masilip ng administrasyong Marcos sa ngayon at ibalik ang mga
magagandang nasimulang kalakaran ng natagurian noon na Ang Bagong Lipunan. Hindi pa huli ang lahat.
Masakit na dagok sa ating bansa ang iniwan ni bagyong Karding.

Habang sinusulat ang espasyong ito, may sampu na ang naitalang namatay, kabilang yong limang rescuers ng Bulacan na hindi nakaligtas sa gitna ng kanilang pagsisikap na magligtas ng kababayan. May isa ring lalaki sa Zambales na sa kagustuhang mailigtas ang kanyang mga alagang baka, sabay-sabay silang inanud ng tubig-baha at hindi nakaligtas. Kung minsan, kahit nasa ligtas ka ng lugal –hindi binabaha, walang slide, pero nadaganan naman ng natumbang puno ang bahay, walang ligtas sa
sakuna. May kasabihan nga: saan ka man kapag inabot ka ng kamalasan, guhit ng palad mo yan.

Gaano ka man daw kaingat sa buhay, kapag dumating ang trahedya….mailap ang kaligtasan. Ang bisig at
tungkod natin sa trahedya ay kahandaan sa ano mang oras at lugal. Di pa man nangyayari, dapat agapan na nating igawan ng paraan para sa ating kaligtasan. Gabay ng Panginoon ang lagi nating isaalang-alang.
Sa ating mga nakalamidad na mga kababayan…ang aming pakikiramay at dalangin para sa inyong pagbangon. Hindi naman lingid sa lahat ang gingawang gabay ng ating gobyerno upang makaraos sa
tinamong trahedya. Simple lang naman ang solusyon: huwag magtayo ng bahay sa mga lugal
gaya na nababaha, may posibleng pagguho ng lupa at may mga punong maaring makapanakit.

Mag-ipon ng sandata laban sa trahedya habang maganda ang panahon. Alamin din kung nasaan ang
mga laang ahensiya na maari nating takbuhan at pasaklolo. Hindi masama ang tumulong sa kapwa sa tuwing may kalamidad o trahedya pero unahing tingnan ang pansariling kapakanan. Sa lahat ng mga tao,
o ahensiyang nagkapit-bisig para sa kapakanan ng mga nakakalamidad, ang ating pagsaludo sa inyo. Sana huwag kayong magsawa. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon