KARAPATAN NG KABABAIHAN DAPAT MANGIBABAW SA GITNA NG KAUNLARAN SA TEKNOLOHIYA

Iniutos kamakailan ni Mayor Benjamin Magalong na imbestigahan ang isang social media group at mga aktibidad nito dahil sa diumano’y naging isang sex booking site ito na naglalaman ng mga post ng mga babae na nag-aadvertise ng serbisyong sekswal na may kapalit na bayad. Sinusubaybayan na ng Baguio City Police Office ang nasabing grupo kasunod ng mga media reports sa mga post na nagdudulot ng alarma at pagkabahala sa mga residente ng lungsod. Sa isang inisyal na report na inilabas ng police ay sinabing nagpalit na raw ng pangalan ang grupo at napag-alamang hindi taga-Baguio ang administrator nito.

Ang prostitusyon, mga serbisyong seksuwal na may kabayaran, ay itinuturing na isang mahalagang problemang panlipunan sa maraming bansa sa buong mundo at hindi alam kung paano tutugunan ito. Ang prostitusyon ay pangunahing isang institusyon ng heirarkiyang mga relasyon ng kasarian na ginagawang lehitimo ang seksuwal na pagsasamantala sa kababaihan ng kalalakihan. Isa rin itong uri ng pagsasamantala at puwersahang pagtratrabaho kung saan maraming uri ng hindi pagkakapantay-pantay ng lipunan (kabilang ang uri, kasarian, at lahi) na magkrukrus sa neoliberal na kapitalistang mga lipunan.

Kalimitang pumapasok ang mga babae sa prostitusyon sa kalye na mga menor de edad. Marami ang nirerecruit sa prostitusyon nang puwersahan, panlilinlang at pamimilit at ilang mga babae ay nangangailangan ng pera upang suportahan ang kanilang sarili at kanilang mga anak, habang ang iba ay nangangailangan ng per ana pangsuporta sa kanilang mga bisyo sa droga. Ang pang-aabuso ay isang pangkaraniwang tema sa mga buhay ng mga “puta” o bayarang babae kung saan marami ang naabuso sa kanilang kabataan, pisikal man o seksuwal o pareho. Kahit sinusubok ng mga bayarang babae sa kalye na lisanin ang mga kalye, madalas bumabalik sila sa prostitusyon dahil sa kanilang limitadong edukasyon at kakayahan ay napakahirap para sa kanila na humanap ng trabaho.

Sa kawalan ng paraan upang suportahan ang mga sarili at kanilang mga anak, maaaring iniisip nilang ang pananatili sa mga kalye ay hindi gaanong mapanganib kaysa iwanan ang prostitusyon. Karamihan sa mga prostitute ay mga babae at karamihan din sa mga pag-aresto na nauugnay sa prostitusyon ay mga pag-aresto sa kababaihan at mas kaunting porsiyento ang mga pagaresto sa mga lalaki na bumibili ng komersyal na sex. Ang pagsusulong sa mga Karapatan ng kababaihan at pagkakapantay-pantay ng kasarian ay mananatiling hindi maabot hangga’t ang mga lalake ay bumibili, nagbebenta ay nagsasamantala sa mga babae at kabataan sa pagsadlak sa kanila sa prostitusyon.

Ang pagtugon sa Sistema ng prostitusyon sa pamamagitan ng pagpaparusa sa mga tunay na salarin sa industriya ng sex, ibig sabihin ang mga mangangalakal, mga bugaw, mga parokyano o mamimili ng sex at mga nagsasamantala, at dekriminalisasyon sa mga napagsamantalahan sa sistema ng prostitusyon, sa kalaunan ay humantong sa pagpuksa
ng problema sa prostitusyon. Ang UN Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women ( 2006 CEDAW Committee Concluding Comments sa 5th at 6th Philippine Country Report ay inihayag ang pagkabahala sa pagsasamantala ng prostitusyon na nagpapatuloy na lumalago sa Pilipinas at ang mababang antas ng pag-usig at paghatol sa mga nagsasamantala sa kababaihan.

Nanawagan ito sa gobyerno ng Pilipinas na ihinto ang pangangailangan sa prostitusyon, gawing mas madali ang integrasyon ng mga taong pinatutot (exploited) sa lipunan at magbigay ng rehabilitasyon, panlipunang integrasyon at mga programang pagpapalakas ng ekonomiya sa kababaihan at mga batang babae na mga biktima ng pagsasamantala at pangangalakal. Ang pagtugon sa isyu ng prostitusyon ay mahalagang magsimula sa pagpapalakas ng legal na balangkas sa loob ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas na nagtratrabaho. Dapat mayroong makabuluhang pagsisikap upang mabawasan ang insidnete ng prostitusyon sa pagtutok sa “panig ng pangangailangan” at palawakin ang batayan ng ilegalidad ng nasabing akto.

Ibig sabihin nito ay kailangan mailipat ang pananagutang criminal sa mga kliyente (kustomer o tumatanggap ng mga serbisyong seksuwal) at mga nagsasamantala, bugaw, mangangalakal, may-ari ng bahay-prostitusyon. Ang pagkulong sa mga babaeng nasa prostitusyon ay hindi sagot, panahon na marahil na tanggalin ang parusang ipinataw sa kanila upang panindigan ang kanilang mga Karapatan. Tunay ngang umunlad na ang tinaguriang “pinakalumang propesyon” at sumasabay na sa pag-unlad ng teknolohiya dahil sa mga social media groups na ginagawang booking sites.

Upang matugunan ito, inaasahan na ang mga mambabatas na masinsin sa kanilang mga mandato sa ilalim ng Saligang Batas at Magna Carta of Women na ibigay ang pinakamataas na prayoridad sa pagsasabatas ng mga pamamaraan upang protektahan at isulong ang mga Karapatan ng kababaihan at bigyan-pansin ang anti-prostitution law. Gayundin palakasin rin gobyerno ang kakayahan sa pagsugpo sa mga krimeng ginagawa sa social media.

TAG - ULAN NA

Amianan Balita Ngayon