Karnabal sa Burnham Park, tuloy ang operasyon

LUNGSOD NG BAGUIO – Muling nagbukas ang karnabal sa Children’s Park noong Abril 9, 2018 sa kabila ng pagpapahinto ng operasyon nito noong nakaraang linggo. Ipinatigil ang operasyon ng karnabal, matapos itong makitaan ng maraming pagkukulang, tulad ng oil spill sa makina, maluwag na mga turnilyo at kawalan ng seatbelts sa mga rides. Maaari lamang itong magbukas muli kapag naayos na ang mga kulang at nakakuha na sila ng safety permits.
Ayon sa isa sa mga tauhan ng karnabal, nainspekyon na raw ito noong mga nakaraang araw kaya naman nagpasakay na ang mga ito sa rides at wala pa ring pahayag ang operator ng karnabal dahil  wala ito sa opisina ng karnabal sa Children’s Park.
Nilinaw naman ni Mayor Mauricio Domogan na wala pang safety permits ang mga rides, nagbabala din ang alkalde na tuluyan nang ipapasara ang karnabal kapag nagpatuloy pa rin sila sa operasyon nang walang permit.
“Maliwanag yung sulat natin sa kanila na nakasaad sa agreement bago sila mag-operate, at unang una sa lahat kinakailangan talaga nilang mag-submit ng certification from the City Engineer at CBAO (City Buildings and Architecture Office) na safe yung mga rides nila. Hindi lang kaligtasan ng publiko ang iniisip natin, dahil buhay din ng tao ang nakasalalay dito,” dagdag ng alkalde.
Nagpadala na rin ng sulat ang mayor noong Abril 3 sa operator na si Belazar Ola, presidente ng Linked-in Corporation na namamahala sa operasyon ng naturanng karnabal, upang tuluyang ihinto ang mga operasyon ng karnabal dahil sa mga rekomendasyon ng City Engineering Office at ng CBAO ukol sa kaligtasan ng publiko na sumasakay sa mga rides ng karnabal. MA. KRYSTAL I. DIOQUINO, contributor

Latest News

Amianan Balita Ngayon