Kaso ng dengue sa Cordillera, tumaas ng 75%

Iniulat ng Department of Health-Cordillera (DOH-CAR) ang 75% na pagtaas sa naitalang kaso ng dengue fever para sa siyam na linggo ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Geeny Anne Austria, Nurse V ng DOH-CAR’s regional epidemiology and surveillance unit, sa unang siyam na linggo ngayong taon, may 582 dengue cases ang naitala ng iba’t ibang health facilities region wide kumpara sa 332 dengue fever cases na naitala ng parehong panahon noong nakaraang taon.
Ang naitalang kaso ng dengue ay mula Kalinga na may 178 kaso na sinundan ng Benguet-130 cases, Baguio City-71 cases, Apayao-59 cases, Abra-43 cases, Ifugao-16 cases, Mountain Province-10 cases at non-CAR provinces na may 75 cases.
Inihayag ni Austria na may dalawang dengue-related deaths sa rehiyon ngayong taon, isa mula CAR at isa naman sa non-CAR provinces, kumpara sa isa lamang na dengue-related death noong nakaraang taon.
Base sa tala mula sa DOH-CAR, mayroong 321 na lalaki ang apektado ng sakit na kumakatawan sa 55.2% ng total number na naitalang dengue cases.
Ang edad ng mga nagkasakit ng dengue ay mula tatlong buwan na bata hanggang 83 anyos.
Idiniin ni Austria na mayroong laboratory confirmed dengue virus serotype bawat probinsiya ng munisipalidad mula 2014 hanggang 2018 at clustering ng cases ay nabanggit sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Ayon pa sa kaniya, noong nakaraang taon ang pagtatapos ng 5-year period kung saan ang mga naiulat na dengue cases ay nasa pinakamababa, kung kaya’t kinakailangan ng mamamayan ang patuloy na panatilihin ang pagiging malinis sa kanilang bahay at bakuran upang masiguro na walang breeding ground ang mga dengue-carrying mosquitoes tulad ng malinaw at malinis na tubig para maiwasan ang pagdami ng mga day-biting mosquitoes.
Ang infected day-biting female mosquito ay naglilipat ng viral disease sa tao, kung kaya kinakailangan ng mamamayang magsuot ng angkop na damit upang maiwasan ang mga lamok na makapaglipat ng sakit.
Nagbabala rin si Austria sa publiko na ang bilang ng dengue fever cases ay maaaring umakyat sa panahon ng tag-ulan at maaaring maabot ang malawak na proporsyon kung ang mga preventive measure sa pagpuksa ay hindi magawa hindi lamang ng mga health authorities kundi maging mga residente.
Nauna rito, itinuturing ang dengue fever na cyclical illness noong mga nakaraang taon, naging year-round disease ang dengue na nagpakita ng seryosong banta sa mga apektadong indibidwal kapag ang mga kinakailangang interbensyong pangkalusugan ay hindi tatanggapin ng mga apektadong tao.
Tinatawagan ng mga eksperto sa kalusugan ang mga indibidwal na dumaranas ng mga sintomas tulad ng trangkaso upang agad na humingi ng payo sa mga doktor sa pinakamalapit na ospital sa kanilang mga lugar upang ang naaangkop na gamot ay ipagkaloob sa kanila upang maiwasan ang sakit na maging malala at maaaring magresulta sa wala sa panahong pagkamatay ng isang tao. Baguio PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon