Kaya pa nating ibalik ang “Ginintuang Panahon ng Agrikultura”

Editorial

Lipas na ang panahon kung kelan natikman ng Pilipinas ang masaganang ani sa agrikultura, kung saan nakakapag-export pa tayo ng bigas at iba pang produkto sa ibang mga bansa. Nakamtan natin ang tinaguriang “Ginintuang Panahon ng Agrikultura” – mga 40 dekada na ang nakalilipas. Maibabalik pa kaya ang ganitong pagkakataon?

Sa mga nagdaang mga panahon at administrasyon ay tila napabayaan ang agrikultura sa ating bansa, ito ay sa kabila ng maraming mga programang isinulong nila na ayon sa kanila ay makakapagpasigla sa kalagayan ng ating agrikultura at makakatulong maiangat ang uri at kalagayan ng pamumuhay ng ating mga magsasaka.

Taliwas ang mga nangyari dahil nasaksihan natin ang unti-unting panghihina ng ating agrikultura, lalong nalugmok ang mga magsasaka dahil sa pagpasok ng mga imported na produkto, hindi na nabalanse ang kalakalan, mas marami tayong inaangkat kaysa iniluluwas at nabaliktad na nga ang sitwasyon na kung noon ay tayo ang nagluluwas ng bigas ay tayo na ngayon ang nasa unang listahan ng umaangkat nito mula sa ibang bansa, partikular sa bansang Vietnam kung saan naungusan na tayo ng milya-milya.

Sa gitna ng mga hamon ay isa ang bayan ng Piddig sa Ilocos Norte ay nakayang mai-angat ang uri ng pagsasaka at pamumuhay ng mga magsasaka, ito ay dahil sa programang National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development (NCI-SRD).

Ang NCI-SRD ay tugon ng gobyerno sa watak-watak at baha-bahaging paghahatid ng mga serbisyo para sa pag-unlad ng kanayunan. Isa itong istratehiya upang mapahusay, konserbahin, pangalagaan, at rehabilitasyon ng mga likas na yaman sa pamamagitan ng pagpapa-unlad at implementasyon ng maka-kalikasan na mga negosyo at mga oportunidad sa pangkabuhayan.

Igigiya ng Philippine Development Plan (PDP) 2017-2022 ang gobyerno upang punan ang mga istratehiyang pagsisikap sa pangkalikasan at pamamahalang istratehiya sa pamamagitan ng national convergence initiatives gamit ang ridge-to-reef approach at ang sustainable integrated area development (SIAD) para sa napapanatiling pamamahala ng likas na kayamanan at pag-unlad ng kanayunan.

Naging modelo ang bayan ng Piddig sa pag-unlad ng uri ng kanilang agriluktura at pagtaas ng kita ng mga magsasaka at kanilang mga kooperatiba.

Ito ay dahil sa mahusay, tapat at masikap na pangunguna ng kanilang dating Mayor, Engineer Eddie Guillen. Lumilibot ngayon si Engr. Guillen sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas upang isulong ang programa, ibahagi ang kanilang tagumpay at ituro ang tamang pamamaraan upang maiangat ang uri ng agrikuktura sa bansa. Hindi lamang ang produksiyon sa bigas ang umunlad sa Piddig kundi pati na rin ang ibang produkto gaya ng kape, monggo, wagyu, dragonfruit, at iba pa.

Hindi naman masasabing mahihirap sa akala natin ang mga magsasaka sa Ilocos Norte at sa iba’-t-ibang interbensiyong programa ng gobyerno at mga proyekto na direkta silang kasama, ang mga nagsasariling magsasaka ay natututo ng mabilis na maging mga negodyante at mismong mga producer.

Tinanggap na rin nila ang mas modernong teknolohiya upang talunin ang hamon ng bagong normal na panahon.

Ang paglipat mula sa paggamit ng tradisyunal na pamamaraan sa pagsasaka sa makabagong mechanized farming equipments, prganisadong mga grupo ng magsasaka at sa mahusay ng pamumuno ay nagdala sa bayan ng Piddig na maitaas ang produksiyon sa bigas at mabawasan ang lugi sa post-harvest.

Nakaya ito ng bayan ng Piddig marahil ay makakaya rin ito ng ibang mga bayan, basta ang mga lokal na namumuno ay tapat at may malasakit sa mga magsasaka at sa agrikultura, maaari nating maibalik ang karangyaan ng agrikultura gaya noon sa sama-samang pagkakaisa – lalo na at isa itong prayoridad ng bagong administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.