Kontraktor ng ospital, inireklamo sa pagtatapon ng basura malapit sa ilog

TUBA, BENGUET – Naalarma ang mga opisyal at residente ng Barangay Taloy Surbunsod ng pagtatapon ng contractor ng medical facility ng lungsod ng Baguio ng mga basura mula sa isang ospital sa pribadong lote malapit sa ilog.
Ang ilog ay dumadaloy sa mga residential areas, partikular sa mga sitio ng Diyang, Pi-ig, Shumshang, Bakbakan, Nagbjeng, Parasipis, Tapuakan, at pababa hanggang bayan ng Pugo sa La Union.
Ayon kay Tuba Mayor Ignacio Rivera, nakakatanggap ang kaniyang opisina ng mga ulat mula kay Taloy Sur Barangay Captain Sibayan Juan na nagrereklamo hinggil sa pagtatapon ng basura ng ospital sa kanilang komunidad.
Ayon kay Rivera, maglalabas siya ng order sa lalong madaling panahon para sa kontraktor ng Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) upang alisin ang kanilang basura mula sa waterway.
Hihilingin ni Rivera sa kontraktor na siguruhing hindi itatapon ang basura ng hospital sa ilog upang hindi magdulot ng panganib sa kalusugan sa mamamayan at mga hayop na naninirahan sa lugar.
Iniulat ni Juan na nadiskubre niya ang pagtatapon noong Hulyo 11. Ang mga basura ay naiulat na itinatapon ng kontraktor mula pa noong Hulyo 9 sa pribadong lote sa Bayacsan area malapit sa ilog.
Ang may-ari ng lote ay naiulat na pinapayagan ang paggamit ng kaniyang lote ngunit sa pagtatapon lamang ng lupa at iba pang filling materials mula sa construction sites.
Ang kontraktor ng ospital ay naiulat na itinatapon ang “special wastes”, kung saan pinangangambahan ng mga residente ang maaaring panganib sa kalusugan ng mga residente lalo na sa patuloy na pag-ulan.
“The soil could erode and carry with it the uncollected wastes, bringing it to the river,” ani Rivera.
Naiulat din na agad na hiniling ni Juan ang pagtatayo ng dike upang mapigilan ang landslide sa lugar at maiwasan na kumalat ang anumang panganib sa mga residente mula sa basura ng ospital.
Sinabi rin ni Juan sa mayor na ang mga basurang itinapon ay maaaring nalinisan na kung saan manual na kinukuha ng mga empleyado ng garbage hauler ng BGHMC.
Ang problema sa pagtatapon ay nakarating sa atensiyon ng Environment Management Bureau (EMB) Cordillera. Inihahanda na ng ahensiya ang report gayundin ang maaaring pagpila ng environmental degradation case laban sa mga sangkot. D.DENNIS JR., PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon