“KRUS NI BANTAG, KAYA BANG IBALIKAT DIN NG BUONG CAR”

May nalilikom na simpatiya at suporta ng mga Cordilleran, lalo na ng mga Indigenous Peoples (IPs), ang animong “pagpapako sa krus” sa kababayang sinibak na Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag. Ang pagpapahirap sa tinitingalang “local pride” na si Bantag, na mula sa ninunong Ibaloi-Kalanguya ng Benguet at Pangasinan, ay tinitignan ng kapwa Cordilleran bilang pagpapahirap din sa kanila.

Kulturang mahigpit na tangan ng mga pambansang minorya ang pagsaklolo sa kapwa tuwing humaharap sa isang unos. Lalo na kung ang suliranin o ipinupukol sa kanila’y walang katotohan at pawang kathang-isip lamang upang idiin sa pagkalugmok. Nagumpisa ang pagtipon tipon sa mga sentrongbayan gaya ng sa Baguio at sa Ifugao ng nakaraang Linggo, at marahil sa ibang pook sa Rehiyon sa susunod na mga linggo upang iparamdan ang poot dahil sa panggigipit kay Bantag.

Aanib din daw sa mga pagkilos ang mga taga Mindanao na nanininirahan sa Rehiyon na ang paniwala’y ang tanging “kasalanan” lamang ni Bantag ay tibagin ang napakaimpluwensiyang sindikato ng droga sa National Bilibid Prisons (NBP). Hindi batid kung saan patungo ang mga pagkilos. Maaaring magbubuklod ito ng pagkakaisa upang ipaglaban ang nararapat at katarungan. Hindi umanong hangad ng mga pagtitipon na impluwensiyahan ang desisyon ni Pangulong Marcos Jr. upang suspendihin si Bantag habang patuloy na iniimbistigahan ang mga pangyayari ukol sa pagkamatay ni Percy Lapid at ng taong
diumano’y “middleman” sa pagpatay.

Karaniwan lamang ang preventive suspension bilang administratibong pamamaraan. Ngunit tila hindi na lang suspension ang iginawad kay Bantag kundi tuluyan nang sinibak ng hindi naayon sa batas ng BuCor kung saan nakasaad ang 6 na taong termino at maaring matanggal lamang kung napatunayan sa pagkakasalang administratibo. Ang ipinagtataka ng mga kababayan ni Bantag kung kanino ang impluwensyang sa kabila ng wala pa mang ikinasong administratibo sa kanya’y, agad na itong binunot
na sa NBP at may kahalili na?

Ang masaklap, kinasuhan na ng murder si Bantag at maaring dakpin ito sa bisa ng warrant sa mga susunod na araw. Kaya lalong bumibigat ang krus ni Bantag. Kaya bang makibahagi ang mamamayan ng
Cordillera sa pagpasan sa krus na ito?

Amianan Balita Ngayon