Kulang sa pangunahing kagamitan

Muli ay host na naman ang lungsod ng Baguio sa 2017 Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) meet at tila nakahanda na ang lahat ng mga pasilidad, may heater na ang swimming pool, maayos na lahat ang mga pagdarausan ng mga palaro. Subalit mayroong kulang pa rin at tila nakaligtaan o baka naman hindi talaga inisip. Sa Mahigit na 3,000 manlalaro na mula sa iba’t ibang malalayong probinsiya ng rehiyon ay hindi biro ang paghahanda, lalo na sa kanilang mga tutuluyan. Nasa ayos na ang kanilang tutuyang mga paaralan maliban sa ilan na wala man lamang kama, kutson, o banig man lamang at karton na lamang ang tanging maihahandang hihigan ng mga kawawang bata.
Hindi mabigyan ng pansin ito? Sa tagal nang preparasyon ay bakit nakakaligtaan ito? May pondo namang nakalaan di ba? At siguro ay may mga mayayaman at establisimiyentong handang tumulong kung gumawa lamang ng paraan ang mga kinauukulan.
Nangangarap ang lungsod na idaos dito ang susunod na Palarong Pambansa, subalit kung ganito ang klase ng paghahanda ng mga namumuno ay baka mapahiya lamang tayo at hindi tayo mapagbigyan!

Amianan Balita Ngayon