Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay naghihikayat ng mga kalahok sa sari-saring pambansang patimpalak na isasagawa ngayong 2019 ayon sa Memorandum Bilang 2019-G15 kamakailan lamang na inihayag ni KWF tagapangulo at National Artist Virgilio S. Almario.
Kasama sa timpalak ang “iKabataan Ambásadór sa Wika” (iKAW), isang pambansang tagisan ng talinong pangwika at pangkultura na naglalayong katuwangin at mobilisahin ang kabataang Filipino tungo sa aktibong pangangalaga at pagtataguyod ng mga katutubong wika ng Pilipinas.
Tungkol sa Timpalak Ayon sa pahayag, ang kompetisyon ay magiging tagisan ng talinong pangwika at pangkultura at ng mga platapormang pangwika na nais ipatupad ng Ambásadór.
Ang magwawaging Ambásadór sa Wika ay magkakaroon ng isang taóng kontrata sa KWF ukol sa mga tungkuling pangwika na dapat tupdin ng isang Ambásadór.
Tuntunin sa Paglahok
ºCurriculum vitae ng kalahok na may retratong 2×2;
ºSinagutang KWF iKAW Form sa Paglahok;
ºLimang pahinang sanaysay sa Filipino na inilalarawan ang katutubong wikang kinakatawan ng kalahok, ang mga suliraning kinakaharap ng katutubong wikang ito, at ang proyektong pangwikang ipatutupad ng kalahok sa loob ng isang taon para tugunan ang natukoy na suliraning pangwika;
ºLimang minutong video na nagpapaliwanag sa programang pangwika ng kalahok na idedeliver sa katutubong wika ng kalahok na may kasamang subtitle ng salin nito sa Filipino at/o isang word file ng salin sa Filipino.
Ang video ay kinakailangang nakalagay sa isang USB;
ºNotaryadong katibayan ng pagiging ispiker ng katutubong wika na pinatunayan ng alinman sa sumusunod: puno ng paaralan/unibersidad ng kalahok, puno ng ahensiyang pinagtatrabahuhan, alkalde ng bayan o lungsod ng kalahok, o elder ng katutubong komunidad;
ºNotaryadong katibayan ng walang pending na kaso (certificate of no pending case) mula sa paaralan, bayan/lungsod, o trabaho; o NBI klirans na may anim na buwang validiti; at
ºRekomendasyon mula sa puno ng paaralan/ unibersidad, alkalde ng bayan o lungsod, direktor ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK), o elder ng katutubong komunidad ng kalahok.
Ipadadala ang mga lahok sa: Lupon sa iKabataan Ambásadór sa Wika (iKAW) c/o Sangay ng Edukasyon at Networking (SEN), 2P Gusaling Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel, San Miguel, Maynila 1005.
Ang mga iba pang timpalak ayon sa ulat ay ang mga sumusunod: “Sali(n) na, Chitang!” na may kinalaman sa pagsasalin sa Filipino ng mahahalagang tekstong pampanitikan.
Ang kompetisyong ito ay binuksan sa mga kabataang edad 12-17 at inumpisahan ngayong buwan.
Ang “KWF Kampeon ng Wika 2019” naman ay ang pagkilala sa mga indibidwal o pangkat na nag-ambag sa pagpapaunlad at pagtataguyod ng Filipino at mga wika ng Pilipinas. Ang dedlayn o huling araw ng pagsusumite ng mga lahok so kompetisyong ito ay sa Hunyo 7, 2019.
Ang mga iba pang timpalak ay ang “KWF Gawad Dangal ng Wikang Filipino 2019” (Dedlayn: Hunyo 7, 2019); “Ulirang Guro sa Filipino 2019” (Dedlayn: Hulyo1, 2019); “KWF Gawad sa Sanaysay 2019” (Dedlayn: Hulyo 5, 2019); at ang “Gawad Julian Cruz Balmaceda 2020” (Dedlayn: Oktubre 11, 2019).
Ayon sa pahayag, mangyaring tumawag sa Sangay ng Edukasyon at Networking sa 736-2519, o magpadala ng email sa [email protected], o bumisita sa www.kwf.gov.ph
para sa karagdagang impormasyon hinggil sa mga timpalak ng KWF.
MJSdelRosario/ABN
April 27, 2019
April 27, 2019
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025