SAN FERNANDO CITY, La Union
Pinalakas ng La Union Police Provincial Office (LUPPO) ang mga hakbang sa seguridad nito upang masiguro ang kapayapaan at mahadlangan ang karahasan sa mga natukoy na election hotspots sa La Union. May tatlong bayan sa La Union ang inuri ng Commission
on Elections (COMELEC) sa ilalim ng yellow category – Agoo, Caba, at Pubo – habang ang natitirang bahagi ng probinsiya ay nasa green o
walang mga alalahanin sa seguridad. Ang mga nasa ilalim ng Yellow ay mga lugar na may kasaysayan ng mga insidenteng may kaugnayan sa eleksiyon, malubhang pagkakaribal sa pulitika, posibleng paggamit ng private armed groups, o nasa ilalim ng control ng Comelec sa
nakaraang mga halalan.
Nagtalaga ang police ng mas maraming personnel at naglagay ng mga checkpoint upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
Pinalakas din ang intelligence gathering at community engagement programs upang pigilan ang mga banta. Mahigpit ding nakikipagtulungan ang mga awtoridad sa Comelec, local government units (LGUs), at iba pang mga ahensiya upang maprotektahan ang integridad ng mga halalan. Sa kaniyang mensahe, siniguro ni LUPPO Director Colonel Heryl Bruno na nakapuwesto na ang mga quick
rersponse team, lalo na sa mga high-risk areas.
“Habang lumalapit tayo sa mahalagang pangyayari, nais kong itampok ang malawak na trabaho na nagawa na upang masiguro hindi lamang ang maayos na pagsasagawa ng eleksiyon kundi pati rin ang kaligtasan at seguridad ng lahat ng tao sa La Union,” ani Bruno. Ang mga preemptive action gaya ng security assessments at law enforcement operations ay isinasaagwa upang mapigilan ang mga karahasang may kaugnayan sa eleksiyon. Ang suporta sa seguridad ay ibibigay din base sa mga pangangailangan ng mga LGU upang tumulong sa
pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Muling kinumpirma ng mga awtoridad ang kanilang zero tolerance policy laban sa mga
pagkakasala na naugnay sa eleksiyon.
(KJCR/QOM, PIA La Union/ PMCJr.-ABN)