LAGING HANDA

OKTUBRE na, at tila walang puknat ang paghagupit ng masamang panahon na nagsimula pa noong Hulyo, nang hambalusin ang Pinas ni Egay, na sinundan agad ni Falcon. At nitong Agosto
hanggand Setyembre nga, iba’t ibang pagsusungit ng panahon ang lagi na lang nakaambang
manalasa sa atin. Gabi-gabi, walang pangunahing balita ang bumubulaga sa madlang pipol
kundi ang kalagayan ng panahon. Uulan ba o aaraw?

Gaano katindi ang ulang darating, upang lagi na lang tayong balaan na mag-ingat sa mga bahang inaasahan o landslide na maaring mangyari ng walang sabi-sabi. Mabuti naman at nitong mga nakaraang mga araw. Walang gaanong sama ng panahon ang dumating sa atin. Lagi na lang padaplis-daplis, patungo sa Norte, at sa ibang mga bansang siyang hinahambalos.

Ang siste, maski hindi naman dumireksyon ang mga bagyong tumatakot sa atin, hindi naman namahinga ang panahon. Kalunos-lunos ang sitwasyon sa mga probinsyang nasa ibaba natin sa Baguio. Bahang walang puknat kahit sa Kamaynilaan. Iinit ng matagalan, at hindi nagtagal ay biglaang susungit ang kalangitan. Kahit na sa bandang Kabisayaan at Kamindanawan, ganoon din ang nakagagalit na kundisyon ng panahon.

Hindi naman bumabagyo, pero ang buhos ng ulan ay nagsisimula sa Habagat na tila baga ay walang kahinto-hinto sa kanyang pananalasa noon pang Hulyo. Ito kaya ay signos ng Climate Change, na isang hindi kagulat-gulat na pagbabagong anyo ng kalikasan na bumubuo sa ating planeta? Ilang dekada na ring napag-uusapan ang epekto ng nagbabagong klima. Mali pala – ilang siglo na ring ito ang sinisisi sa mga pangyayari sa buong kamunduhan magmula ng baguhin ang buhay-buhay ng sinasabing Industrial Revolution.

Ito ang pangyayari na naging suliranin ang nasang magkaroon ng economic growth sa bawat lugar, upang matugunan ang mga pangangailangan ng buhay na may kaayusan. Anuman ang mga
kadahilanan, hindi maitatatwa na may kakaibang bagsik ang mga bagyong naipapanganak sa ating karagatan at humihigop ng pwersa at lakas upang lakbayin ang tatahaking landas kung saan sya dadalhin ng hanging may dala ng malalakas na ulan.

Ang hindi lang natin hindi maunawaan ay ang tila walang liksyon na pinaiiral sa mga trahedyang dulot ng lumalakas na mga sama ngv panahon. Bakit hindi mapigilan ang dagliang pagbaha sa mga lugar na alam naman natin ay tradisyonal na binabaha. Bilyon-bilyong piso nga naman ang mga naitustos sa hindi mabilang na mga flood control projects.

Anyare? Hayaan na muna natin ang pambansang mga pangyayari na isinasagawa ng ating mga lider upang maiayos at mapabuti ang lagay ng anumang sitwasyong pumipigil sa progresong makaaangat sa kalidad at lebel ng buhay. Ipaubaya natin na sa grasya ng isang Panginoon ay magkaroon ng liwanag ang mga landas na ating patuloy na tatahakin. Ang bagyo ay hindi maiiwasan dahil may sarili itong direksyon. Ang resulta ng bagyo ang siyang maaaring maiwasan sa
pinagsamang kaalaman ng mga lider at pinagbuong karakter ng mga namamahala. AngatTayoBaguio, dyan tayo may progreso. Ang tao, may asenso.#

Amianan Balita Ngayon