PAGBAHA SNA NAMAN NG MURANG IMPORTED NA MGA GULAY, PINSALA ANG DULOT SA MGA MAGSASAKA

Dismayado ang mga magsasaka at negosyante ng gulay sa Benguet dahil sa muling pagbaha ng mga imported na gulay sa pamilihan ng Pilipinas, kaya muli nilang isinisigaw ang kanilang panawagan sa pangunguna ng League of Associations at the La Trinidad Vegetable Trading Area Inc. (League of Associations) sa mga awtoridad na hadlangan ang importasyon na ayon sa kanila ay pumapatay sa lokal na industriya ng gulay.

Ang kanilang panawagan ay ipinukol sa mga opisyal ng probinsiya ng Benguet at sa Department of
Agriculture (DA) Cordillera upang mamagitan sa ngalan nila. Alarmado ang nasabing mga magsasaka sa patuloy na pagpasok ng mga imported na gulay na isang resulta ng Regional
Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na gumagana na.

Ang RCEP (sa pangunguna ng China) ay isang free trade agreement (FTA) sa pagitan ng mga miyembrong bansa ng Association of South East Asian Nations (ASEAN) with Japan, South Korea, China, Australia and New Zealand kung saan pinapagaan nito ang mga restriksiyon sa kalakalan ng mga produkto at mga serbisyo sa pagitan ng mga miyembrong bansa.

Sa ngayon, ayon sa League of Associations ay binabaha na ng imported na carrots, patatas, broccoli, at cauliflower ang mga palengke sa Manila, Sariaya, Quezon; at Batangas. Sa pagpasok ng imported na mga produktong agricultural ayon sa mga magsasaka ng Benguet ay kalauna’y papatay sa lokal na industriya ng gulay at pagsasaka. Hahantong ito sa pagkalansag ng kabuhayan ng di-mabilang na mga magsasaka at negosyante kasama ang kanilang mga pamilya.

Makakatulong ba ang RCEP sa atin at sa ating mga magsasaka? O pupulutin lang sila sa kangkungan bandang huli dahil intensiyon nito na tanggalin ang lahat ng nalalabing proteksiyon sa ekonomiya ng Pilipinas tungo sa walang sagabal na pangangalakal at pamumuhunan. Ayon sa mga nagsulong ng RCEP na ganap na ipinatupad nitong Hunyo ay may malalim na implikasyon para sa bansa sa iba’t-ibang mga aspeto ng ekonomiya nito at kalakalan.

May handog daw ito na mga oportunidad at hamon na huhubog sa hinaharap na direksiyon ng bansa, gaya ng: pinalawak na access sa merkado; pinalakas na regional supply chains at pinahusay na oportunidad sa pamumuhunan. May malaking potensiyal para sa mas malawak na mga benepisyo sa panlipunang-ekonomiya: ang pinataas na daloy ng pangangalakal at pamumuhunan ay maaaring magbigay ng mga oportunidad sa trabaho, lalo na sa mga sektor na nakaranas ng paglago dahil sa kasunduan.

Isa pa, maaaring gumanda raw ang kapakanana ng mamimili sa pamamagitan ng access sa isang mas malawak na hanay ng de-kalidad na mga produkto at kumpetisyon sa mga presyo, pasisiglahin ang domestic consumption at itataas ang mga antas ng pamumuhay. Makikinabang din daw mula sa RCEP ang mga pangunahing sektor kabilang ang agrikultura, electronics at business process outsourcing (BPO). Sa RCEP ay inaasahan daw na hahantong sa pinataas na integrasyong pang-ekonomiya na lilikha ng mga oportunidad sa paglago at hihikayat ng pamumuhunan sa iba’t-ibang sektor gaya sa: E-commerce; renewable energy; financial services at tourism and hospitality.

Sa nakaraan ang mga merkado ng RCEP ay nabuksan na para sa mga produkto ng Pilipinas subalit hindi sinamantala ng bansa ang sinasabing pagiging-bukas ng merkado. Ito ay dahil sa mahinang pagmamanupaktura at ang kakulangan sa imprastruktura ay patuloy na humahadlang sa anumang potensiyal na pahusayin ang produksiyon. Ibig sabihin nito ay kailangan ng bansa na mas itutok ang pagsisikap nito sa pagpapahusay ng panloob na produksiyon para sa panloob na konsumo, sa halip na mapagkumpitensiya ngunit hindi sigurado na mga merkado.

Sa pangangalakal at liberalisasyon sa pamumuhunan ay nakita lamang ang paghina sa sector ng agrikultura, pinapataas ang kakulangan at pagbaha ng mga banyagang produkto sa kapinsalaan ng mga mgasasakang Pilipino. Tila taliwas sa mga pangako ng mga free trade agreements (FTAs) ang nangyayari sa bansa at bagamat umiiral na ang RCEP ay wala tayong magagawa kundi maghintay ng 20 taon upang makakalas sa mga kasunduang ito. Samantala ay pagsikapan naman ng gobyerno na tunay na paunlarin ang agrikultura sa sariling atin at upang matulungan at mai-angat ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil kung maunlad ang agrikultura ay maunlad ang mga magsasaka gayundin ang buong bansa.

2023 RSTW IN CAR

LAGING HANDA

Amianan Balita Ngayon