LAHING PINOY…LAGING PALABAN!

Sa ano mang antas…ang lahing Pinoy ay kaiba sa mundo . Matatag na hindi basta-basta sumusuko sa
anumang pagsubok. Sabi nga nila…lugmok na, lumalaban pa rin sa paghahanap ng paraan, katwiran, katarungan at katotohanan. Ang lahing Pinoy ay siksik ng talino’t tapang na parang sundalong habang
nasusugatan, tumitindig at lalong tumatapang. Ito ang Daplis na gusto naming ibahagi sa inyo at bago sa lahat, batobato muna sa langit, hane?

Netong katatapos na Undas…inunahan ng kalamidad. Sa halip na tayo ang dumalaw sa ating mga
pumanaw na mahal sa buhay…tayo ang dinalaw ng kamalasan. Umabot sa 122 ang bilang ng mga nasawi, marami ang sugatan at mga nawawala pa hanggang sa ngayon, ayon sa ulat ng NDRRMC. Milyonmilyong halaga ng ari-arian at infra ang nasira. Bagama’t kumikilos na ang ating pamahalaan….sala-salabat pa rin ang mga kumento at puna mula sa mga nakalamidad.

Sabagay, gaya ng sinasabi natin…hindi sumusuko ang ating lahi sa ganitong mga pagsubok. Sabi nga
nila…laging may pag-asa sa mga taong marunong magsikhay at hindi paala-asa. Nagsimula na ang full
face to face classes sa mga public schools sa kabila ng kakulangan ng silid-aralan dahil sa dami ng paaralang sinira ng bagyong Paeng. Kinokonsidera pa rin ang blended-learning dahil dito. At dahil sa bumababa na ang mga kaso ng Covid-19 (dahil siguro sa dami na ng mga bakunado) may mga ulat na
gawing boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask.

Boto naman ang Dep-Ed bagama’t may agam-agam sa panig ng mga guro at mga magulang. Pero ang payo ng mga eksperto: para sa ating kapakanan at kaligtasan, dahil sa presensiya ng mga sakit sa
sosyodad…mas maigi pa rin ang pagsunod sa health protocol gaya ng distancing , malinis na katawan at
pagsusuot ng face mask. Kamakailan..may naganap na namang “hate crime” sa ibayong dagat. Isang
kababayan natin ang nasugatan sa New York dahil sa kagagawan ng ibang lahi.

Payo ng ating Embahada: laging mag-ingat ang mga kababayan saan man sila sa mundo. Hindi natin maiaalis ang inggit o galit ng ibang lahi lalo sa ating mga kababayang matagumpay ang buhay sa
paningin ng ibang lahi. Sa huling lumabas na ulat sa New York hinggil sa “hate crime”…sinasabi ng mga
otoridad doon, ang mga gumagawa diumano ng ganitong pananakit ay mga taong lansangan o walang
trabaho. Tanong: di naman tayo nananakit ng ibang lahi, bakit kaya tayo ang binibiktima?

Nagparamdam ng pagkakaisa at respeto si Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pamilya ng dating senador Ninoy Aquino, dating Pangulong Cory at dating pangulong Pinoy sa pamamagitan ng pag-alay na mga bulaklak sa kanilang mga puntod. Simbolo ng respeto at rekonsilyasyon. Batid ng lahat kung ano ang pinagdaanan ng pamilya Aquino at Marcos. Idalangin natin ang paghupa ng hidwaan at tanggapin ang simbolo ng pagkakaisa, respeto at pagmamahalan.

Ayon sa BCPO…para daw sa mga religious services ang Nobyembre Uno dito sa Baguio City. Ipinagbawal ang pagpasok ng ating kababayan sa sementeryo. May lohika naman dahil ang Nob.Uno ay araw ng mga Santo at ang Nob. Dos ay para sa kaluluwa ng ating mga yumao. Bagama’t kalaunan ay binuksan din (Nov. 1) ang sementeryo dahil sa pagdagsa ng tao na hindi raw nakadalaw sa mga nagdaang mga araw dahil kay Bagyong Paeng.

Sana may nakuha tayong leksiyon dito. Harinawa ang katatagan at paninindigan ng ating lahi na ipinaglaban ng ating mga bayani ay mananatili sa ating mga Pilipino. Kayanin at labanan ang mga dagok sa ating buhay para sa kinabukasan. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon