Lalaki patay matapos pagbabarilin sa Benguet

LA TRINIDAD, BENGUET – Isang lalaki ang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek sa Shilan, La Trinidad, 8:30 ng umaga noong Agosto 7,2018 (Martes).
Ang biktima ay kinilalang si Jehorld Angos Pulas, 44 anyos.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Henry, nakatambay lang diumano ang magkapatid at ilan pang mga kasamahan nang magpaaalam ang biktima para kunin ang kanyang nga-nga o “momma” sa  sasakyan na kanyang minamaneho nang makarinig sila ng tatlong magkakasunod na putok ng baril at nadatnan na lamang nila diumano na nakahandusay ang biktima sa lupa.
Agad naman itong isinugod ng mga kasamahan sa Benguet General Hospital ngunit ang biktima ay idineklarang dead on arrival ng attending physician nito.
Samantala, isang namang concerned citizen ang agad na tumawag sa pulisya para ireport ang pangyayari at agad namang rumesponde ang mga pulis.
Ayon sa report ni SP01 Ryan Antonio na siyang rumesponde sa pangyayari, ang biktima ay nagtamo ng dalawang tama ng bala, isa sa ulo at isa sa katawan. Ngunit tatlong basyo ng bala ng di pa natutukoy na kalibre ng baril ang natagpuan sa pinagyarihan ng krimen. DOROTHY M. REGINO, UC INTERN

Amianan Balita Ngayon