Armadong drug pusher, patay sa police operation sa Ilocos Sur

CAMP BGEN OSCAR M FLORENDO – Patay ang pinaghihinalaang drug pusher sa isang buy-bust operation noong Agosto 5, 2018 bandang 9:20am sa Candon City, Ilocos Sur.
Kinilala ni Police Chief Superintendent Romulo E. Sapitula ang biktimang si Leonardo Portela ng Sta. Lucia, Ilocos Sur.
Ayon kay Sapitula, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pinasamang tauhan ng Ilocos Sur Police Provincial Office, Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), Regional Intelligence Division (RID) at Police Regional Office 1 laban kay Portela. Sa ginanap na transaksiyon, nakilala ni Portela na ang poseur buyer ay isang pulis kung kaya inilabas nito ang kaniyang armas at binaril ang police poseur buyer nang dalawang beses subalit nakasuot ang huli ng bullet proof vest.
Sa ginawa ni Portela, gumanti ang mga miyembro ng backup team na naging sanhi ng pagkamatay ni Portela.
Narekober malapit sa katawan ni Portela ang homemade cal. 38 revolver na may tatlong bala at dalawang piraso ng nagamit na basyo. Nasamsam din ang P500 bill na buy-bust money at tatlong piraso ng transparent plastic sachets na naglalaman ng tuyong dahon ng marijuana mula sa bulsa ni Portela.
Nagtamo ng gunshot wound sa katawan si Portela at idineklarang dead on arrival nang dalhin ito sa ospital. PNP-PRO1

Amianan Balita Ngayon