Libreng nood sa patok na pelikula ng senior citizens, isinusulong

Sinabi ni Mayor Mauricio Domogan na aatasan niya ang city social welfare and development office sa ilalim ni Betty Fangasan na makipag-ugnayan sa pamamahala ng SM Baguio upang payagan ang mga lokal na senior citizens na manood ng blockbuster movies nang libre.
Sinabi ni Domogan na nakatanggap ito ng mga ulat na ang naturang mall kung saan matatagpuan ang natitirang apat na sinehan ay pinapayagan lamang ang libreng panonood ng mga senior citizen ng mga regular na pelikula at hindi ang mga patok sa takilya o certified blockbusters.
Sa mga nakalipas na taon, pinapayagan ng SM cinema ang mga senior sitizen sa lungsod na libreng manood ng sine kada Martes sa first full showing basta magpakita lamang ang mga ito ng valid Baguio senior citizen ID card mula sa CSWDO.
Ito ay alinsunod sa panukala ng konseho ng lungsod bilang dagdag na benepisyo sa mga residente ng lungsod na umabot na sa 60 ang edad. Ang mga senior citizen ay mayroon ding discount sa pagkain, gamot, transportasyon at iba pa bilang pribilehiyo.
Iginiit ng mayor na nagpapasalamat ito sa SM Baguio at sinabi na dapat na papurihan ang binibigay na libreng pagpapanood ng sine na pinapakinabangan ng maraming senior citizen sa lungsod.
Aniya, maaari naman sigurong isali ng SM Baguio ang mga “blockbusters” sa mga pelikulang pwedeng panoorin ng senior citizens nang libre.
Ngunit, ayon kay Coralie Dulnuan ng CSWDO, hindi pinapayagan ng mall ang senior citizens na manood ng blockbuster movies nang libre kung hindi sa mga araw o linggo kung kailan ang dumadagsang mga tao na nais manood ng mga patok na pelikula ay hindi na gaanong marami.
Kinumpirma ito ni SM Baguio assistant operations manager Denise Peralta. Iginiit nito na pinapayagan nila ang senior citizens na may valid IDs na makapanood ng libreng blockbuster movies ngunit kadalasan ay sa pangalawang linggo ng pelikula. G.KEITH / ABN

Amianan Balita Ngayon