Upgrading ng drainage system ng lungsod, pinag-aaralan

Iniutos ni Mayor Mauricio G. Domogan sa technical personnel ng pamahalaang lokal at ng Department of Public Works and Highways-Baguio City District Engineering Office (DPWH-BCDEO) na magsagawa ng overall assessment at bumuo ng rekomendasyon kung paano mapapabuti ang drainage system ng lungsod upang maiwasan na maulit ang pagbaha sa ilang lugar sa lungsod.
Ipinaliwanag ng mayor na ang volume ng pag-ulan na dinala ng bagyong Ompong na nagdulot ng pagbaha sa Harrison Road at Burnham Lake Drive ay nagpapakita lamang na ang drainage system ng lungsod ay hindi na kaya ang ganoong karaming tubig-ulan kaya kailangan ang assessment sa estado ng drainage system para sa posibleng rehabilitasyon o upgrading.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang mayor sa mga indibidwal at miyembro ng media na kumuha ng larawan ng naturang pagbaha at nagbigay ng masamang imahe sa lungsod at nagresulta sa pag-panic ng mga residente na naninirahan sa ibang lugar sa Pilipinas at sa ibang bansa.
“The limited flooding incidents in the city immediately subsided after Tropical Cyclone Ompong left the Philippine area of responsibility. The flooding was only for some thirty minutes before the water subsided,” iginiit ni Domogan.
Sa kaso naman ng City Camp Lagoon na lugar na madalas binabaha sa mga nakaraang panahon, sinabi ni Domogan na ang pagbaha ngayon sa naturang lugar ay nakontrol dahil sa maingat na pagbabantay ng mga tauhan ng City Engineering Office, City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC), barangay officials at volunteers na nanatili sa lugar upang linisin ang screen mula sa toneladang basura at ibang debris na walang habas na itinatapon ng mga pasaway na residente mula sa mga mas matataas na barangay. Bunsod nito ay napigilan ang mass evacuation ng mga residente sa naturang lugar, saad ng mayor.
Aniya, ang mga kinauukulang ahensya at tanggapan ng gobyerno ay dapat na bumuo ng naaangkop na rekomendasyon sa estratehiya upang maiwasan na mangyari ang pagbaha sa mga limitadong lugar sa lungsod at upang maiwasan ang imahe na ang lungsod ay binabaha kapag umuulan o kapag may bagyo.
Ayon sa ulat ng CDRRMC, ang total rainfall na naitala sa lungsod noong Setyembre 15, 2018, ay 760 milliliters na lubhang mataas kaysa sa regular monthly rainfall na 565 milliliters.
Sinabi ng mayor na ang kalamidad ay maaaring mangyari anumang oras at kadalasan ay hindi inaasahan kaya pinakamainam na labanan ang mga malalang negatibong epekto ng natural at man-made na kalamidad sa pamamagitan ng indibidwal at sama-samang paghahanda at disiplina sa pagsunod sa advisories mula sa mga awtoridad.
Aniya, mahalagang malaman ng mga tao ang mga pangunahing dapat gawin kapag nahaharap sa emergency situations.
Inihayag nito na ang mga rekomendasyon ng inter-agency joint inspection team ay seryosong ikokonsidera sa pagpaplano at pagdedesisyon ng priority projects ng pamahalaang lokal na popondohan sa ilalim ng limitadong development funds sa mga darating na taon upang maiwasan ang pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon