Price freeze sa mga nasa state of calamity, ipinaalala ng DTI

Pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyante at mamimili na ang ‘price freeze’ sa mga basic commodities ay awtomatikong ipapatupad sa mga apektadong lugar na isinailalim sa state of calamity.
Sinabi ni DTI Baguio-Benguet Provincial Director Freda Gawisan na alinsunod sa Republic Act 7581 o ang Price Act of the Philippines, ang automatic price control ay ipapatupad sa mga lugar na idineklara bilang disaster area o nasa ilalim ng state of calamity. Maliban sa basic necessities at prime commodities na nakalista o mga minomonitor ng DTI ay sakop din ng mga nasa ilalim ng regulasyon ng Department of Agriculture, Department of Health at Department of Environment and Natural Resources.
Ang mga produktong petrolyo gaya ng kerosene at gasoline gayundin ang bottled drinking water ay kabilang din sa price freeze, ayon kay Gawisan.
Sa ilalim ng Section 6 ng RA 7581 maliban kung ideklara ng Presidente, ang mga presyo ng basic necessities sa isang lugar na nasa ilalim ng state of calamity ay mananatili sa kanilang prevailing price.
Sa Section 7 ng parehong batas ay binibigyan ng kapangyarihan ang Presidente na magpatupad ng price ceiling sa alinmang basic o prime commodities kung may nakitang masyadong mataas o hindi na makatarungan sa prevailing price ayon sa rekomendasyon ng implementing agency o ng local price monitoring council.
Sa ilalim ng Price Act of the Philippines, sinumang tao na lumabag sa Section 6 o 7 ng batas na ito ay mapaparusahan ng pagkabilanggo sa loob ng panahon na hindi bababa sa isang taon o hindi lalagpas sa 10 taon; multa na hindi bababa sa P5,000 at hindi hihigit sa P1milyon, o pareho sa diskresyon ng korte.
Mula noong Setyembre 18 ang mga probinsiya ng Kalinga at Benguet gayundin ang mga munisipalidad ng Mayoyao at Aguinaldo sa Ifugao ng rehiyon Cordillera ay idineklarang nasa ilalim ng state of calamity ng kani-kanilang local government units. LITO M. CAMERO JR. / May ulat C.DAR, PIA-CAR / ABN

Amianan Balita Ngayon