LIBRENG PRINTING, INTERNET, HANDOG NG BAGUIO CITY PUBLIC LIBRARY

BAGUIO CITY

Balik operasyon ang libreng printing at internet services ng Baguio City Public Library, hindi lamang sa mga
estudyante, kundi pati na rin sa ibang nangangailangan ng nasabing serbisyo. Taong 2020 ng sinimulan nilang ialok sa publiko ang free printing services na ito, na dati ay sampung bond paper lamang kada tao, ngayon ay ginawa na
nilang 20 bond paper kada tao. “They will provide their own bond paper, iyon lang naman ang hinihiling namin,
‘yong bond paper nila. Kasi ‘yong ink dito na, ‘yong kuryente ng printer,” pahayag ni Easter W. Pablo, Baguio City
Public Librarian IV.

Mula ng magsimula ang pandemiya, nahinto rin ang pagbibigay serbisyo na ito, kaya naman malaking tulong ito sa mga estudyante lalo na sa mga hirap talagang makahanap ng murang printing shop. “Dahil sa libreng printing services na alok nila, malaking tipid at kaginhawaan ito sa aming mga estudyante,dahil mababawasan ang gastos
namin,” pahayag ni Iris Shantel Gutierrez, estudyante mula University of Baguio. Paliwanag naman ni Pablo na bond paper lang ang maaari nilang tanggapin, at hindi pwede ang matitigas na papel gaya ng card board sapagkat maaaring masira ang printer.

Limitado lamang sa 20 bond paper kada tao upang mabigyan din ng oportunidad ang iba na magamit ang naturang libreng serbisyo at may nakatalagang listahan o logbook upang mamonitor nga nila kung ilan na ang kanilang nagagamit. Bukod sa free printing at internet services, may din na libreng Mathematics Tutoring Services para sa mga estudyanteng nasa ika-limang baitang hangang sampung baitang at libreng English Tutoring Services para sa mga estudyanteng nasa ikatlong baitang hanggang ikaanim na baitang tuwing Sabado mula alas otso ng umaga hanggang alas dose ng tanghali.

Inaanyayahan din ni Pablo ang publiko lalo na ang mga mahihilig magbasa, o bookworm kung tawagin, na sumali at maging miyembro sa Book Lover’s Club kung saan maaaring nilang iuwi ang dalawa hanggang tatlong libro. Lubos naman nagagalak ang pamuntunan ng nasabing library sapagkat sa tulong din ng social media, ay mas maraming tao ang nakakakita at tumatangkilik sa kanilang mga programa. Sa ngayon, dinadagsa ang library sa iba’t ibang serbisyong kanilang inaalok, at ngayon nga ay, inaaasahan pa nilang dadami ang bibisita sa kanila.

Valerie Ann E. Dismaya/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon