‘LIFE’ program para sa magsasaka, isusulong ni Gov. Imee Marcos

LUNGSOD NG BAGUIO – Hiling ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mga magsasaka na palagiang biktima tuwing may kalamidad sa ilalim ng programa nitong LIFE (Living Income for Farmers Emergency).
“Tuwing may kalamidad, problemado ang ating magsasaka sa pagkasira ng kanilang mga pananim, lalong-lalo na sa palay, kung kaya’t bukod sa pagkapos ng suplay ng bigas ay mahal pa ang presyo, na siyang pangunahing problema ng masang Pilipino,” pahayag ni Imee Marcos sa naganap na mini-presscon sa lungsod.
Ang programang LIFE ang pangunahing nais isulong ni Governor Marcos sa nasyonal na gobyerno, na kahit walang kalamidad ay bibigyan niya ng solusyon ang mga problema sa agrikultura, upang maging sapat ang suplay ng pagkaing Pinoy sa bansa.
“Alam naman natin na sa oras ng kalamidad ay problemado ang ating magsasaka sa pagkasira ng kanilang pananim, kaya pati tayo ay problemado din sa suplay at taas ng presyo, kaya dapat na bigyan agad sila ng solusyon at tulong na maibangon agad ang agrikultura.”
Bukod sa turismo, pangunahing naging programa ng gobernadora sa kanyang lalawigan ang paunlarin ang agrikultura, mga kagamitan sa pagsasaka, irigasyon, mga libreng abono at punla at agarang pagsasaayos ng farm to market road.
Aniya, kailangang bigyan agad ng trabaho ang magsasaka na biktima ng kalamidad, para agarang makapagtanim upang kumita at mabuhay ang pamilya at upang maibsan agad ang kakulangan ng suplay sa merkado.
Hiling din ng gobernadora sa pamahalaan na tanggalin na ang mga limitasyon sa paggamit ng calamity funds ng local government sa panahon ng kalamidad at sa halip ay payagan ang mga LGUs upang mabilis na magamit ang kanilang pondo para sa mga apektadong magsasaka.
Matatandaan na matapos ang pagsalanta ng bagyong Ompong ay naitala ang P1.9 bilyon pinsala sa agrikultura ng Ilocos Norte at bilyong halaga din sa rehiyon ng Cordillera at sa ibang lugar sa Central Luzon, na naging dahilan ng pagtaas  ng presyo at kakulangan ng suplay sa merkado.
“Sa mga panahon ng kalamidad at mga emergency ay nangangailangan ang ating mga magsasaka ng agarang tulong upang madali nilang maibangon ang kabuhayan sa pagsasaka at makatulong sa pangunahing pangangailangan ng sambayanan, ang pagkain,” dugtong pa ni Gobernador Marcos. ZALDY COMANDA /ABN

Amianan Balita Ngayon