SA PANAHON ng Semana Santa, kandaugaga na naman ang sambayanan sa pagdagsa ng mga bisitang kahit ilang araw ay maibsan ang panlulumo sa init ng kapataga. Lunes pa lamang at kanila ng tatalikdan ang mga tahanang kulang na lang ay masakluban ng sunod-sunod na lagablag ng apoy. Hindi ba’t nitong huling mga araw ay daan-daang mga bahay ang tinupok ng sunog? Kaliwa’t kanan ay mga numbero ang ating nakikita sa TV news. Kahapon ay Tondo. Noong isang gabi ay Caloocan. Maging dito sa Baguio ay palagiang may ulat ng sunog sa gubat.
Mga kakahuyang tinutupok dahil sa pabayang kababayan nating walang habas sa pagtapon ng sigarilyong may sindi. Forest fire sa ating kabundukan, pangyayaring maiiwasan sa kaunting pag-Ingat. Subalit ganun pa man, patuloy na dadagsa ang ating mga kababayan – mga tagaBaguio na lulugar ng ilang araw, mga taga-labas na tanging layunin ay muling balikan ang lungsod ng mga punong pino. Ganyan ang gayuma ng Baguio sa panahon ng tag-init.
Bakit nga naman magtitiis na halos matunaw ng init ng panahon? Bakit nga naman ipagkikibit ng balikat ang hagupit ng El Niño? Nandyan ang Baguio – ang tanging lugar sa buong Pinas na pantapat sa tag-init. Ganyan naman ang diwa ng kapatiran, nagmamahalan, buong layang ipinahahayag ang alab ng damdaming humulagpos sa mga dinaranas ng mga kasalukuyang hamon. Iisa ang tibok ng puso, dala ng kapatiran hindi papaagnas panahon man ay lumipas. Sa tuwa o dalamhati bunga ng kay tagal ng pagkakahiwalay. Muling pagsaluhan ang katas na sa pagmamahal lamang bubukal.
Kung nagkaroon man ng pighati, iwaksi ng tuluyan. Iwanan ang mga tanda ng pamamaalam, ng panlalamig, ng ano pa mang dinaramdam. Hayaan lang na isantabi, tuwiran lang na isinawalang kibo, at hayaang maging muling
bukambibig ang mga katagang nilunod ng mga daluyong kinimkim ng kay tagal. Balik dating ugali. Maging mabuting tao. Mabuti sa lahat ng bagay ng pakikipagkapwatao. Hindi lamang pamilya ang trato sa kanila kundi pamilya ang maging turing sa atin. Ngayong Semana Santa, naisip nating madanas ang pinagdaanang sakripisyo ng
Panginoong Hesus .
Ang kanyang paghihirap, ang pagpapasakit upang napalaya ang sanlibutan sa hagupit ng sala at hampas ng siphayo’t
dalamhati. Muli nating sariwain ang tradisyong Pilipino likas naman sa atin. Muling ipagdiwang ang galak ng muling pagkikita sa mga panahon ng pagsasamasama. Nitong mga huling araw, ating nasamahan ang pamilya naman ng maging butihin dahil likas sa atin. Maging. muling mapagkalinga. At mapagmalasakit. Tanggapin ng maluwag ang agos ng buhay – kalmado ngayon, ngunit walang babala kapag naging daluyong.
Maging uliran sa bawat araw na ating ihahasik ng buong pagmamahal, katapatan, at kabutihan. Sadyang ganito ang agos ng buhay Pilipino. Kapag nilakbay na ang hangganan, kapag buhay na lamang sa alaala, ang dapat iiwan ay bukal sa pagtanggap ang siphayo ng pagkawala. Kung ang agos ng buhay ay mistulang bula na inililipad sa papawirin, ganoon din ang muling pagkikita – biglaan sa Ilan, inaasahan sa may alam. Hindi presyo, bagkus ay halaga ang pagsukat sa anumang buhay. Ang pagkikita at pagdadaup-palad. Kailanman ay hindi sya hangganan lamang. Mayroon pang antas na tatawirin at lalampasan. Ang buhay ay muling uusbong at lalago sa bugso ng galak at sigla ng muling pagbangon.
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
August 31, 2024