Maraming pagbaha ang naiulat at naidokumento sa Pilipinas mula noon at ang ilan sa hindi malilimutan ay ang pagbaha noong 1972 na mas kilala bilang ‘Great Flood’ of 1972 na nagpalubog sa Metro Manila, mga probinsiya ng Bulacan, Pampanga, Tarlac at Pangasinan.
Ang pagbaha ay sanhi ng apat na magkakasunod na mga bagyong Edeng, Gloring, Isang at Huaning na dumating sa kalagitnaan ng Hulyo hanggang unang linggo ng Agosto at nagpa-ulan ng ilang linggo, dahil sa walang humpay na pag-ulan ay lalong lumawak ang pagbaha at lumalim pa ito na nagpalubog sa mga lugar ng isang buwan o higit pa kung saan ang tubig ay umabot hanggang bubong ng mga bahay. Ang mapaminsalang insidente ay nagpatigil sa transportasyon sa Hilagang Luzon.
Nagdulot ito ng malubhang kakulangan sa pagkain, maiinom na tubig at medisina at sumunod ang kakulangan ng bigas noong 1973 na dahil sa limitadong suplay ay kinailangang paghaluin ng mga nagtitinda ang bigas at mais. Winika pa ni Pangulong Marcos noon na “Sa unang pagkakataon, ang mga tubig ng Manila Bay ay dumugtong sa mga tubig ng Lingayen Gulf…”
Ang pagbaha noong 1972 ay maituturing na maagang pangmulat sa lahat na maging laging handa sa lahat ng panahon. Dumating ang pinakagrabeng insidente ng pagbaha na tumama sa Luzon noong Setyembre 26, 2009 kung saan ang walang-tigil na malakas magdamagang pag-ulan ay nalagpasan ang dami ng ulan na kalimitang nakukuha sa higit-isang buwan, naapektuhan hindi lamang ang mas malaking bahagi ng Metro manila kundi mga probinsiya sa Northern at Spouthern Luzon. Hanggang sa panahong iyon, ang bagyong “Ondoy” ang sinasabing pinakagrabeng bagyo na.
Sa paglala noon ng sitwasyon, ang Flood Forecasting and Warning System division ng National Power Corporation ay nagpakawala ng imbak na tubig mula sa Angat Dam sa antas na 500 cubic meters per second na walang anumang abiso o babala. Naging sanhi ito ng biglang pagbaha sa lahat ng lugar, umapaw ang mga ilog, kanal, batis at mga dike; mga kalsada, tulay, mga bahay at iba pang istruktura ay lumubog ng ilang araw. Libo-libong sasakyan ang lumubog at nagpalutang-lutang – daan ding buhay ang nawala.
Akala natin ay si Ondoy na ang pinakamabagsik, hanggang rumagasa si Bagyong Yolanda na lumikha ng sobrang-dami ng daluyong ng tubig sa Lungsod ng Tacloban, Leyte umaga ng Nobyembre 8, 2013.
Nawasak ang lungsod dahil sa insidente at pumatay o nagdulot ng pinsala sa libo-libong tao at sumira sa malaking bahagi ng lungosd. Sa isang araw, ang buong mga pamilya ay nalunod, tinangay ang mga bahay at mga sasakyan, maging mga sasakyang pandagat ay tinangay din sa dalampasigan. Hindi pa pala si Edeng, Gloring, Isang, Huaning, Ondoy o si Yolanda ang pinakamabagsik. Tila naulit ang paghilera ng mga bagyo noong 1972 sa magkakasunod na pananalanta kamakailan sa loob lamang ng isang buwan nina Ofel, Pepito. Quinta, Rolly at Ulysses noong Nobyembre 12, 2020.
Napakalakas ng bagyong Ulysses at matapos ang malawakang pagbaha sa Cagayan, Isabela, Marikina, Rizal, Pampanga at iba pang mga lugar sa bansa ay titingnan ng mga opisyal ang pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam at iba pang posibleng dahilan ng sakuna gaya ng iligal na pagtrotroso at pagmimina.
Ang pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam ay iniulat na nagpalala sa sitwasyon ng pagbaha sa Cagayan Valley, Central Luzon, sa Cordillera Administrative Region at Metro Manila. Sa Cagayan at Isabela, ang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam ay sinasabing isa sa mga salik na dahilan sa pag-apaw ng Cagayan River at pagpapalubog sa mga barangay.
Sa mga pagbaha sa Marikina City at Rizal ay itinuturong dahilan ang pagpapakawala ng tubig mula sa Angat Dam at Ipo Dam sa Bulacan. Gigisahin daw ng mga Senador ang mg opisyal ng mga ahensiya, mga dam operators na responsable sa pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam dahil lumalabas daw na wala man lang abiso o babala sa pagpapakawala ng tubig dahil puno na ang dam.
Iminumungkahi naman ni DILG Secretary Eduardo Año ang pagtatatag ng standard protocols para sa pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam para sa mas mabuting paghahanda sa mga panahon ng kalamidad.
Dahil iba-iba raw ang protocols ng mga dam administrators sa pagpapakawala ng tubig ay mas mabuting nasa ilalim ng pamamahala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang standard protocols sa mga oras ng mga kalamidad at kontrolin ang pagpapakawala ng tubig ng mga dam. Ngayon, sa malawakang mga pagbabago ng klima sanhi ng global warming ay nakararanas tayo ng mas hindi inaasahang mga pagbaha at daluyong ng tubig kahit ano pang panahon. Kahit ulang habagat ay nagdudulot na ng pagbaha, sanhi ng pagdaluyong ng tubig ang mga buhawi at unos gayundin lumilikha ng tsunamis ang mga lindol sa mga dalampasigan.
Gayundin ang masamang urban planning at development na gawa ng mga sakim at ireponsableng negosyante, developers, mga opisyal ng gobyerno ay nagpapalala sa sitwasyon. Ilang lugar sa highly urbanized cities at munisipalidad ay nababaha sa sandaling pag-ulan lamang.
Gusto man natin o hindi ay mananatili na hahagupitin ang Pilipinas ng mga bagyo at pagbaha dahil ang ating bansa ay nasa rehiyon na maliban sa napapalibutan ng earthquake faults at mga aktibo at tulog na mga bulkan ay nakasaklang sa isang typhoon belt area na lumilikha ng pag-ulang habagat at mga bagyo taon-taon.
Sa katunayan ang mga pagbaha ay nagiging mas matindi at nakapangingilabot. Tanging magagawa na lamang natin ay ang maghanda at tumalima sa mga maagang panawagan ng paglikas – hangga’t hindi tayo namumulat sa bawat kalamidad.
April 19, 2025
April 12, 2025
April 5, 2025
March 29, 2025
March 22, 2025