Magnanakaw, agad nadakip sa tulong ng mga sibilyan

Hindi nagtagumpay ang plano ng isang lalaki na pagtangay sa isang traveling bag ng isang negosyante sa Hangar Market, Baguio City.
Dakong ika-6 ng umaga noong Hunyo 28, 2018 ay abala si Sharon Ligas, isang tindera sa Hangar Market, na nagdidisplay ng kanyang mga paninda nang naaktuhan niya ang isang lalaki na tumangay sa isang malaking plastic bag na may lamang traveling bag. Ang bag ay pagmamay-ari ng kasama niyang tindera sa Cauliflower Alley sa naturang lugar.
Sumigaw nang malakas si Ligas tungkol sa insidente kaya tumakbo ang magnanakaw dala ang traveling bag, ngunit binitawan din nito ang bag bago tumakas sa Hangar Market dahil hinabol siya ng iba pang mga nagtitinda.
Naibalik naman ang traveling bag sa may-ari na kinilalang si Laura Locloc, 59, tubong Itogon, Benguet at nagtitinda sa Bayan Park, Aurora Hill Baguio City. Sa loob ng bag ay nakalagay ang isang eyeglass na nagkakahalaga ng P2,500 at isang Vedasto genuine leather brown pouch na may lamang P1,300 cash.
Wala pang isang oras ay naianunsyo ang tungkol sa pagkakadakip ng suspek na isinuko ng isang concerned citizen sa Police Precinct 2 sa Magsaysay, Baguio City.
Nakasuhan ang suspek ng theft sa ilalaim ng article 308 ng Revised Penal Code ng Pilipinas. DEBORAH  AQUINO, UC Intern

Amianan Balita Ngayon