“MAGSASAKA’T MANGINGISDANG PILIPINO, SALUDO ANG BUONG BANSA SA SIPAG, TIBAY, AT LAKAS NIYO”

Ang agrikultura ng Pilipinas ay isang pangunahing sektor ng ekonomiya na ikatlo sa mga sektor noong 2022 kung saan ang mga produksiyon nito ay kabilang ang bigas at mais, gayundin nag-eexport ng kape, saging, pinya at mga produkto nito, niyog, asukal, at mangga. Subalit ang sektor na ito ay patuloy na humaharap sa mga pagsubok dahil sa lumalaking populasyon. Nasa 10.66 milyong Pilipino ang nagtratrabaho sa agrikultura kung saan ang average na arawang kita ng mga magsasaka ay nasa PhP331.10.

Sa isang ulat para sa 2022 ay halos nasa ikapat ng nagtratrabahong mga Pilipino ay nasa sektor ng agrikultura na binubuo ng apat na sub-sektor: farming, fisheries, livestock, at forestry. Sa taong 2022 ay nasa PhP1.78 trillion gross value added (GVA) ang naiambag ng sektor o katumbas ng 8.9 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa. Matapos ang dalawang taon pag-urong dahil sa pandemya ng COVID-19 ay nagpakita ng mga senyales ng pagbangon ang industriya ng agrikultura ng Pilipinas noong 2022, bagaman nanatiling nagpapakita ng mas mabagal
na pagsulong kumpara sa mga panahon bago ang pandemya.

Dahil sa kalupaan at kondisyon ng tropikal na klima, ang pagsasaka at pangingisda ay naging pinakamalaking sub-sektor ng agrikultura sa Pilipinas. Ang produksiyon lalo na ng tubo, palay, niyog, at mga saging ay kabilang sa mga pinakamataas sa buong bansa at kasama rin sa mga pangunahing iniluluwas na mga produkto. Sa mga nakaraang taon, ang mga langis, mga prutas at mga mani kasama ang animal o vegetable fats ay nag-ambag ng pinakamalaki sa kabuuang agricultural export ng Pilipinas.

Samantala, ang baboy, baka, at manok ang nangungunag mga produkto sa sektor ng livestock at poultry. Sa sektor naman ng pangingisda na binubuo ng tatlong subsector na, commercial; municipal; at aquaculture ay nagpakita ng mabagal na paglago sa mga nakaraang taon. Ang export value ng mga pangunahing produkto ng pangingisda mula sa bansa ay bumababa rin mula noong 2019 at ang dami ng produksiyon ay paiba-iba. Isa sa mga dahilan ay ang pagbabago ng klima at ang kaugalian ng hindi makontrol at walang-tigil na overfishing.

Ang mabagal na paglago ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas ay iniuugnay sa laganap na pagkumberte ng mga sakahang lupa sa mga residential subdivision, industrial parks, at mga resort. Sa 30 milyong ektarya ng lupain, sangkatlo lamang ang nagagamit sa mga aktibidad ng agrikultura. Bukod pa rito, ang bansa ay madaling tamaan ng mga likas na sakuna gaya ng pagbaha at tagtuyot na sanhi rin ng pagbaba ng produksiyon. Nakakalungkot isipin na sa kabila ng pagiging agrikulturang bansa ng Pilipinas at may panahon sa nakaraan na nangingibabaw tayo sa larangan ng agrikultura ay tila napabayaan ng maraming taon ng mga nakalipas na administrasyon ang mga
magsasaka at agrikultura.

Napakarami naman ng programa ng bawat gobyerno, mga pangako at plano, subalit bakit tila wala yatang nangyayaring pagbabago? Nananatili pa ring nabubuhay ang mga magsasakang Pilipino sa kahirapan at waring patuloy na hindi pinapansin ang kanilang kalagayan. Kinakailangan ang mga hakbang sa mga pamumuhunan sa teknolohiya at inobasyon upang ma-diversify at mabago ang agricultural output ng bansa, gayundin ang pinataas na suporta sa produksiyon at pinahusay na mga polisiya na inuuna ang mga pangangailangan ng mga magsasaka.

Isama na rin ang maayos na polisiya sa ekonomiya, at ayusin ang mga isyu sa kapaligiran at pagmamay-ari ng lupa. Sa katunayan ay ang mga magsasaka ang gulugod ng bansa dahil sila ang nagbibigay ng mga pagkain maihahapag ng bawat isang Pilipino kaya itong Mayo na buwan ng mga magsasaka at mangingisda ay akmang-akma ang tema para sa kanila – “Magsasaka’t mangingisdang Pilipino, saludo ang buong bansa sa sipag, tibay, at lakas niyo.” Layong kilalanin sa pagdiriwang ang napakahalagang mga ambag ng mga magsasaka at mangingisda sa pagbuo ng bansa at pagkamit ng seguridad sa pagkain ng bansa.

Bagama’t mas kaunti kung itutumbas sa kabuuang populasyon ng bansa ang ating mga magsasaka at ang mga natitira ay matatanda na rin, mahikayat sana at magkaroon ang ating kabataan ng interes sa pagsasaka at agrikultura sa tulong ng mga inisyatibo ng gobyerno upang dumating naman ang panahon na kayang-kaya na ng bawat isang Pilipino ang presyo ng mga bilihin at hindi na kailangan pang umasa sa “pag-aangkat” maiangat lamang ang imahe ng agrikultura. Muli, sa mga natitirang matibay at bayaning magsasaka, ipinagkakapuri at masiglang pagsaludo sa inyong lahat!

Amianan Balita Ngayon