Makakaya ang mga hamon kung magkakaisa

Editorial

Matapos ang isa sa pinakamahalagang pambansang halalan sa kasaysayan ng bansa, si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay nakatakdang magiging ika-17 pangulo ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang mayoryang boto. S

a kabila ng walang katapusang pag-aalipusta at pagdikit ng walang-kamatayang retorika ng Martial Law, anak ng diktador, pagnanakaw, walang natapos, di-pagbabayad ng buwis at kung anu-ano pa sa kaniyang pangalan at sa mga Marcos, ay tila pinawalang saysay ito ng nakakalulang higit 31 milyon Pilipino na bumoto at nagtiwala’t naniniwala sa kaniya – makasaysayan nga para sa bansa.

Tatlumpu’t anim na taon ang lumipas nang sapilitang ipinatapon sa Hawaii, Estados Unidos ay muling nakabalik ang kaniyang pamilya sa kapangyarihan.

Subalit ang kaniyang napipintong pag-upo bilang pinakamataas na opisyal ng bansa ay inaasahang nahaharap sa masalimuot at sari-saring mga hamon dulot ng napaigting na banta ng geopulitikal at pagpapalit ng kapangyarihan sa rehiyon.

Haharapin ng susunod na pangulo ang isang malaking hamon kung paano ipuwesto ang bansa at maglayag sa gitna ng mapanghamon at nagbabagong geopulitikal na kasunduan, istruktura at realidad sa rehiyong Asya Pasipiko at lagpas pa habang sinisiguro at pinapanatili ang pambansang ubod na interes at siguruhin din na may maganda, palakaibigan, at payapang relasyon at kooperasyon sa mga makapangyarihang bansa gaya ng Tsina, Estados Unidos, Russia at iba pa.

Sinabi noon ni BBM na ang foreign policy ng Pilipinas ay hindi dapat hinuhubog ng mga interes ng ibang bansa, inihayag niya ang pagnanais na ipagpatuloy at itaguyod ang estratehikong interes ng bansa na hindi naiipit sa geopulitikal na away sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina.

Wala din daw balak si Marcos na isuko ang teritorya ng Pilipinas sa sinumang bansa at handa raw siya na makipagtrabaho at makibahagi sa Tsina upang talakayin ang isyu sa West Philippine Sea at iba pang iisang interes.

Nararapat at inaasahan ng mga Pilipino sa panguluhan ni BBM na isagawa ang isang malinaw na polisiyang panlabas at matatag na plano sa pambansang seguridad na hindi makokompromiso ang interes ng Pilipinas.

Isa pa sa haharaping hamon ng susunod nd Pangulo ay ang lumilitaw na mga banta ng pandemya sa COVID-19, gayundin ang gabundok na hamon ng pagbabalik sa bansa sa daan ng pagbangon sa ekonomiya na nasusustine at matatag kasama ang epektibo at mahusay na pagtugon sa iba pang panlipunan-pang-ekonomiya at pulitikal na mga hamon at isyu na kinakaharap ng bansa gaya ng pagsugpo sa korapsiyon, pagtugon sa mataas na kawalan ng trabaho, at mababang sahod, pagbibigay ng mas maraming insentibo sa small ang medium enterprises na silang gulugod ng ekonomiya ng bansa, at pati na ang tumitinding trabaho ng pagsisimula ng tunay na reporma at pagbabgo sa sistemang pulitikal/istruktura ng bansa.

Maraming Pilipino ang sumisigaw ng pagbabago o reporma sa konstitusyon, lalo na ang pagpapalit ng pulitikal na uri ng gobyerno mula sa presidential tungo sa parliamentaryo at pati ang pagbabago sa sistemang pulitikal ng bansa mula sa isang unitary state sa isang pederal.

Kailangan ding ipagpatuloy at patatagin ang mga pamamaraan upang mabawasan ang kahirapan na iniahon ng kasalukuyang administrasyon ang nasa anim na milyong Pilipino bago tamaan ng pandemya ang bansa.

May hamon pa rin sa paglaban sa lokal na insurhensiya, ang paglipol sa problema ng iligal na droga sa bansa, at ang mga teroristang gawain ng CPP-NPA.

Hindi na natin maiiwasan ang maraming hamon, andiyan na yan. Kailangan tulungan ng mga Pilipino ang papasok na administrasyon ni Bongbong Marcos.

Kailangang magkaisa at tulungan ang susunod na administrasyon upang masiguro ang nagpagpapatuloy at isang maunlad, mas marangyang Pilipinas – na pangungunahan ng mahigit 31 milyong Pilipino na nagluklok sa kaniya na maging halimbawa sa natitira pang mga Pilipino.

Sama-sama tayong magtutulak gaya ng sigaw na pagkakaisa, Bangon Bayan Muli!