MALAKANYANG… MAY KONTREBERSIYA BA?

Habang sinusulat ang espasyong ito ng Daplis, kulang sa isang buwan, Undas na naman at kulang din ng walumpung araw, Pasko na naman. Halos ilang dipa na lang, 2023. Ibig sabihin, malapit na ang unang isang daang araw ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa Malakanyang. Napakabilis ang inog ng araw na singbilis din ang inog ng mga pangyayari sa daigdig kasama na ang Pilipinas.

Yan ang ilan sa ating kakaliskisan mga pards: Kalamidad at trahedya ang mga nagaganap sa mundo sa
nakalipas na mga araw. Ang Huricaine Ian ay nanalasa sa ilang bahagi ng Estados Unidos at marami ang nabuwis na buhay, nawalan at nasiraan ng ari-arian na parang ito rin ang nangyari sa ating bansa dahil
kay Bagyong Karding.

Sa kabilang dako…delubyo rin ang naganap sa Indonesia sa isang football field kung saan nagkaroon ng stampede at mahigit sa pitumpo ang kumpirmadong patay. Tanong: may kinalaman ba ang climate change sa mga nagaganap na trahedya sa mundo? Sabi ng marami…malaki raw ang epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at paglakas ng dolyar na nagpabagsak naman sa peso.

Dahil dito, maraming negosyo ang nagsara, maraming empleado ang nawalan ng trabaho gaya na lamang sa nangyari sa isang Export Processing Zone sa Cebu. Sala-salabat na ang mga kontrobersiya na ating
dinaranas sa buhay. Ang isang gasgas na kontrobersiya sa ngayon ay ang di matapos-tapos na usapan hinggil sa 443 na nanalo sa 1/55 Lotto draw kamakailan. May mga sumisigaw ng imposible! Ano bang nangyari? Heto nga’t samut-sari na ang mga sinasagot ng Comelec na mga katanungan.

Pati Senado at Kamara, mag-iimbestiga na raw. Tanong: ano bang dapat imbistigahan? Nakapangubra
na nga ang mga nanalo…ano ba ang problema? Dahil sa mga hinalang baka raw may manipulasyon? Sabi ng mga analaysts: sa dami ng nanalo…ibig sabihin ay totoo at walang daya ang pagbola. Kaya nga’t sabi ng mga matatabil ang dila: buti nga, maraming nanalo. Eh, kung iisa o dalawa, sila lang ang yumaman. Bakit di nauungkat ang hinala o imbisitigasyon kapag kakaunti ang nananalo? Mahirap sagutin. Sana hindi pinasukan ng inggit ang pangangalkal sa naturang kontrobersiya. Daplis nga ng ilan: hindi kasi sila nanalo kaya may ngakngak.

Sige, tabi-tabi muna yan. Kasi may nasisilip ang ating masa na mas higanteng kontrobersiya sa kasalukuyan. Ito ang nagaganap ngayon sa paligid ni Pres. Bongbong Marcos Jr. o kung ano nga ba
ang nangyayari sa Malakanyang. Kasi nga magtatatlong buwan pa lamang, sunud-sunod na ang mga nagreresign na mga piling tauhan ni Pres. Bongbong. Una, nagresign si dating Exec. Sec. Rodriguez na pinalitan ni Sec. Bersamin. Kamakailan, nagbitiw sa tungkulin bilang Press Sec. si Atty. Trexie Angeles ganun din si Com. On Audit Calida.

Mga mabibigat at maseselang katungkulan. Kaya marami ang nagtatanong: ano bang nangyayari? Kung dahilan na sinasabi ay “Kalusugan o Health Problem” …di kaya mababaw lang, tanong nila? Hindi daw
kaya may gumagalaw upang sirain ang pinili at pinaupong miyembro ng gabinete ng Pangulo? In short..may gumagawa upang sirain si Pangulong Bongbong? Kung yan ang nagaganap, dapat magmasid at makiramdam ang Pangulo. Kung totoo ang mga hinala, kung di maagapan, marami pa ang maaring mawala. Tsk tsk….hindi na eto bago, mga pards. Nangyari na yan sa mga nakalipas na rehime.

Ang solusyon: tuloy ang trabaho at paninilbihan para sa kinabukasan ng ating bansa. Di dapat matinag sa mga kontrakumpas dahil lagi silang nariyan. Gumawa ka man ng maganda, pangit pa rin sa kanila. Parang
pelikula, pards….kung walang kontrabida, kulang sa rekado ang ietorya. Sige..next issue uli mga kaAmianan bago sumablay ang ating panimbang. Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon