Matatapos na kaya ang mga panahong matagal ang hintayan bago makarating ang mga pulis sa kinaroroonan ng krimen o sa lugar na kailangan ang kanilang pag-alalay at tulong. Mahigpit na tugubilin ng
bagong hepe ng Cordillera police na si Brig. General Mafelino Bazar na limang minuto lamang ay dapat
nakarating na ang pulis sa lugar kung saan nangangailangan ng tulong o pagtugon. Ito’y lalo na sa mga sentrong bayan at urban areas ng rehiyon gaya ng Baguio City.
Kayang-kaya itong “five minute response” dahil naisagawa na sa pamamagitan ng “simulation exercises” bago maisapraktika. Baka nga naman maabutan pa ang salarin sa isang krimen o matulungan agad ang biktima o kung sino man ang nangangailangan ng alalay kung sa limang minuto’y dumating na ang
na-alertong pulisya. Kapansin-pansin rin ang dami ng nakatalagang pulis sa mga lansangan ngayon, lalo
na sa Baguio City sa ilalim ng pamumuno ni BGen. Bazar sa kapulisan ng CAR. Ayaw na ayaw kasi ng Heneral na sa opisina nagkukumpulan ang mga pulis, kundi dapat sa mga lugar kung saan kailangan ng
mga mamamayan ang kanilang pagkalinga kontra sa krimen.
Mainam nga namang “deterrent” sa krimen ang makita ng mga kawatan ang unipormadong kagawad ng
pulisya sa bawat sulok. Siguradong magdadalawang isip ang mga masasamangloob na isagawa ang maitim na balakin kapag makakita ng alertong pulis. Una nang naisakatuparan ang 5-minute Quick Response Time noong 1997 sa Marikina na isinakatuparan ng medical team ng Rescue 161, Police, and
Fire Department sa bayang ito. Pinarangalan ang tagumpay ng proyekto pagkaraan ang dalawang taon lamang ng “Galing-Pook” isang pagkilala ng Asian Institute of Management (AIM), Ford Foundation at Department of Interior and Local Government (DILG).
Una na ring binanggit ni dating Marikina Mayor Bayani Fernando: “Sa ating karanasan, kung atrasado ang dating, mamatay man ang pulis, bumbero, o paramedics sa paglilingkod ay walang ibig sabihin sa tao. Sa kabilang banda, kung dumating sa oras kahit hindi marunong bumaril ang pulis o pumatay ng sunog
ang bumbero o gumamot ang paramedics ay nasisiyahan pa rin ang tao.” Kanya’t inaasahan ng
mamamayan ang positibong bunga ng “limang minutong tugon” na direktiba ni BGen. Bazar sa kapulisan. Ito’y napapanahon at higit na pakinabang ng taumbayan.
October 10, 2022
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024
September 15, 2024