‘Malasakit’ center sinigurado ni Sen. Bong Go sa Apayao

LUNA, Apayao – Sinigurado ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go noong Huwebes sa mga residnte ng Apayao na magkakaroon ng sariling Malasakit center ang probinsiya kung saan makakahingi sila ng tulong medikal.
Sa kaniyang mensahe na binasa ni Isabela Rep. Faustino Dy V sa pagdiriwang ng “Say-am” festival noong Huwebes na kaalinsabay ng 25th foundation day ng probinsiya ay sinabi ni Go: “Tulad ng Baguio, magtatayo din tayo ng Malasakit Center sa Apayao.”
Ipinagdiriwang ng Apayao ang kanilang silver anniversary ng pagsasarili sa probinsiya ng Kalinga matapos ang dalawang probinsiya ay pinaghiwalay noong 1995 sa bisa ng Republic Act 7878.
Ang Say-am ay isang Isnag na salita na ibig sabihin ay pagsasaya at pagdiriwang ng kultura. Ang mga Malasakit Centers ay karaniwang binabantayan ng isang kinatawan ng Department of Social Welfare and Development at ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Sinabi ni Go na maliban sa mga opisina ng gobyerno na nagbibigay ng tulong, ang Office of the President ay naglalaan din ng mga pondo para sa center upang makamit ang isang “zero balance billing” para sa mga pasyente, na ang center ang magbabayad ng mga bayarin ng mga pasyente, lalo na ang mga mahihirap, sa oras na lumabas sila.
Pinapagaan ng center ang bigat na dinaranas ng mga kaanak ng mga pasyente na kailangang pumunta sa ilang opisina upang humingi ng pinansiyal na tulong upang mabayaran ang hospital bills dahil ito ay naitatag na government – operated hospitals.
Ang unang Malasakit Center sa Cordillera ay nasa lungsod ng Baguio, ang ika-50 center sa buong bansa.
 
LA-PNA/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon