MALIGAYANG PASKO

NGAYONG ARAW ng Pasko na, tila hindi pa rin magkandaugaga ang bawat pamilyang Pilipino,
hindi lamang sa atin dito sa Baguio, kundi sa lahat ng sulok ng Pilipinas, bilang pagdiriwang ng pinakainaasam-asam na pagsilang n gating Dakilang Mananakop. Si Kristo ang dahilang ng selebrasyon na ito —na sa araw na ito, higit 2,000 taon na ang nakararaaan ay isinilang sa isang hamak na sabsaban sa Bethlehem.

Kaya naman, dahil sa ang Navidad ang simbolo ng pamilyang binuhusan ng Dakilang Amang Diyos ng misyon upang isalba ang sangsinukob sa mga salang kamunduhan, naging mahalagang pagtitipon ang bawat pamilyang Pinoy. Sinoman ang nasa ibang lugar, bilang OFW o nagbabakasyon, walang duda, sila ay hindi nagdalawang-isip na umuwi at maging bahagi ng pamilyang ilang taon ding nawalay.

Ang tawag natin dito ay homecoming. Asahan na dumating si Nanay at Tatay na nagbubuwis ng dugo, pawis, at luha sa ibang bansa, lalo na sa mga bayang matindi ang kultura ng pagmamalabis sa mga dauppalad na binubuno ang mga taon upang maisalba ang sariling pamilya sa hampas ng
paghihirap. Maski si Kuya at Ate na swerteng nakakuha ng trabaho sa mga maunlad na kabihasnan, dumating rin at buong galak na nakisaya, nakibidahan, naki-tungga ng alak, maski sa iisang basong tagay-tagay ang labanan.

Syempre, walang humpay na kindatan ang mga ibang kamag-anak na kaisang hapag sa naihandang
Noche Buena. Walang problema sa mga tahanang sagana sa buhay, na kung saan kahit isang barangay ay kayang maisama sa anumang handaan, na hindi na kailangang hintayin ang Kapaskuhan, maipamalas lamang na ang mga nakaririwasa ang syang destinasyon ng lahat kapag handaan ang napag-uusapan. Ngunit ang mga maralitang dampa na hinakos sa lahat ng pangangailangan, at siyang dahilang kung bakit si Tatay o Nanay, at si Kuya o Ate ay walang tulugan na hinihintay, ang handaan ay sagana lamang sa tuwa, halakhak, at bidahan.

Kung ang hapag ay kuwatro kantos lamang ang umiikot, at salat sa pulutang napapangarap lamang, hitik naman sa kwentuhan ang maliit na salang kanilang pinagtitupunan. Ang araw ng Pasko, tulad
ngayon at kahit noon pa man, ay larawan ng katayuan ng bansa, anuman ang panahon. Iba ang handaan ng mahirap, at angat sa kasaganaan ang kay mayaman. Iisa lamang ang bumibigkis sa lahing Pinoy kapag Pasko, ang simpleng aginaldong maaaring gawangkamay lamang o nabili sa
malaking shopping mall ang siyang pangarap na matanggap, at buong kusang ipagmamalaki ni bunsong Pepe at naglalakad ng si Pilar.

Anuman ang katayuan sa buhay, nawa ay hindi maiwaksi o makaligtaan kung gaano kadahop ang lugar na pinagsilangan ng ating Banal na Sanggol. Sabsabang pinagpapahingahan ng mga hayop. Bakas ang salat sa lahat ng bagay na bagay sa Anak ng Amang Diyos na siyang itinalaga upang isalba ang sangkatauhan sa mga kasalanan ng kamunduhan. Ramdam ang pagdarahop ng lugar, ang pagkaaba ng nagsilang at naisilang sa piling ng asawang nabasbasan na maging pangalawang ama sa mundo.

Ngunit, kahit na balot ng kawalan ang sabsaban, ito ay dinalaw ng tatlong haring may sari-sariling aginaldo bilang pagpugay sa isinilang na Hesus. Sa gabing madilim, iisang bituin ang nagbigay ng
liwanag na tumanglaw sa mga dadalaw. Hindi maitatanggi o maitatawa ang eksena ng Navidad na siyang pinagugatan ang pamilyang Kristyano. Si Hesus ang regaling ibinigay ng kanyang Ama para sa sanlibutan.

Tayo naman, kahit anuman ang panahon at hamon sa buhay, tayo ang regaling maihahandog
ng ating pamilya upang maging karapat-dapat sa misyon ng katwiran, katotohanan, at katarungan, upang sa dakong huli, maging pantay-pantay ang lahat, anumang lipi, lahi, at tribo ang pinanggalingan. Naging karapat-dapat nga ba tayo? Maligayang Pasko sa lahat sa panahong tayo ay maging karapat-dapat, lalo na ngayong ang pandemya ay nasa huling hiningang aandap-andap.

Amianan Balita Ngayon