PASKONG TUNAY NG PINOY

Wala na sigurong dadaig pa sa mga Pilipino kung selebrasyon ng Pasko ang pag-uusapan. Sa katunayan, ang Pilipinas ay kilala sa may pinaka-mahabang pagdiriwang ng pasko sa buong mundo. Bantog ang bansa sa pag-uumpisa ng kanilang pagdiriwang ilang buwan pa bago ang kapaskuhan. Nagsisimula ito ng maaga sa buwan ng Setyembre o ang tinatawag na mga “ber” na buwan at nagtatapos sa isang Linggo matapos ang Bagong Taon o “Pista ng Tatlong Hari” (Feast of the Three Kings).

Ang Pilipinas sa panahon ng Kapaskuhan ay binabago ang sarili nito bilang isang paraiso, na nagiging isa sa pinakamalalaking atraksiyon sa buong mundo kung saan ipinagdiriwang ang pasko nila. Sa isang bansang karamihan ay kristiyano, ang Pasko ay siyang pinakamahalagang kapistahan ng taon sa buong bansa na sa mahigit tatlong buwan ng pagdiriwang ng Pasko at ang mga kahanga-hangang lugar na papasyalan, tunay ngang hindi ka magkakaroon ng mas magandang karanasan
sa mga darating na kapaskuhan hung hindi dito, sa Pilipinas.

Habang ipinagdiriwang ang Pasko sa buong mundo, tayong mga Pilipino ay may mga kaugalian at tradisyon na masasabi nating naiibang sarili natin. Isang hudyat na sumisislip na ang Pasko ay kung maririnig na natin ang mga paboritong awiting ng Pasko at ang paggawa na ng iba’t-ibang parol, gamit ang mga makaluma at pinakamodernong materyales. Buwan pa lamang ng Setyembre ay nag-uumpisa nang pinapalamutian ng mga Pilipino ang kanilang bahay ng mga pailaw at naglalakihang Christmas tree.

Siyempre pa, alam mo nang umpisa na ng kapaskuhan kung may mga nagpapahiwatig nang mga inaanak at mga pagbati. Kabi-kabila na rin ang mga aktibidad ng kapaskuhan,pribado man o ng mga opisina ng gobyerno kaniya-kaniya nang mga Christmas party, parade at mga konsiyerto.
Subalit hindi lahat ng mga Pilipino ay kayang magdiwang ng inaakala nating mariwasang selebrasyon ng Pasko, lalo na ang handa sa Noche Buena na siyang pinakatampok ng pagdiriwang. Marami pa rin sa ating mga kababayan ang hikahos na sa tanang buhay nila ay hindi man lamang nakatikim ng “hamon” o kaya’y makaamoy lamang nito.

Hindi man lamang naranasan na magkaroon ng mahigit sa dalawang putahe na pagsasaluhan. Subalit sa kanila ng kakulangan sa handa ay pinupunan naman ng tunay na pag-ibig at diwa ng
Pasko ang tahanan ng isang Pilipino. Na kahit isang de-latang sardinas na itinabi ni nanay sa huling tanggap niya ng ayuda mula sa gobyerno ay sapat na, dahil mas mahalaga na magkakasama ang buong pamilya, masayang nagsasalo hangga’t lumipas na muli ang Pasko habang tanaw ang maliwanang na bituin ng pag-asa.

Ngunit marahil, ang tala na kumikislap ng pinakamaliwanag sa panahong ito ay ang kagila-gilalas na espiritu ng Pilipino. Dumarating at umaalis ang mga likas na sakuna at ang hindi pag-igi ng ekonomiya at buhay ng nakararami, ngunit ang optimismo, kasiglahan at katatagan sa buhay na dumadaloy sa bawat ugat ng bawat isang Pilipino ay humahanap ng isang paaraan upang
ipagdiwang at magpasalamat na makasama ang kanilang pamilya, mahal sa buhay at mga kaibigan sa araw ng Pasko. Ito ang tunay na Pasko ng Pinoy! Maligayang Pasko sa lahat!

Amianan Balita Ngayon